Maghanda sa mala-Pakistan at Afghanistan na buhay

NGAYONG nagdesisyon na ang Korte Suprema na hindi labag sa Konstitusyon ang anti-terorismong batas na Human Security Act of 2007, maghanda-handa na rin tayo sa magulong kinabukasan.

Ayon sa mga kritiko, pinakawalan sa hawla ng nasa-bing batas ang warrantless arrest.

Kung dati-rati ay pinapayagan lang ang warrantless arrest laban sa mga suspek bago, kasalukuyan o makaraang makagawa sila ng krimen, ngayon ay pupuwede nang isagawa ito kahit pinagsususpetsahan lang sila.

Dagdag ng mga kritiko, pupuwede ka nang mabulok sa kulungan dahil hindi ka kinakailangang idemanda ng nanghuli sa iyo o ng gobyerno.

Hindi lang yan.

Sa tunay na buhay, kakambal ng batas na ito ang pagkatay o pagsalvage sa sinomang suspek sa pamamagitan ng bala, missile at bomba gaya ng nagaganap sa Mindanao at sa mga nahuli at nabilanggo noon sa Bicutan at sa mga nagaganap sa Afghanistan at Pakistan.

Kakambal din nito ang nagaganap na pag-tortyur o pagpapahirap gaya ng isinusumbong ng mga hinuhuli  na rebeldeng Muslim at rebolusyonaryo sa repablik ni Juan at nakakulong sa selda na kontrolado ni Uncle Sam sa Guantanamo, Cuba.

Tiyak namang lalala rin ang kaso ng mga disapericidos o basta naglalaho na lang na parang bula gaya ng anak ni peryodistang Joe  Burgos na si Jonas at mga estudyante ng University of the Philippines na kinabibilangan ni Karen Empeño. Nangyari ang mga ito sa lalawigan ng Bulacan.

Higit na malaki rin ang posibilidad na magkakaroon ng maramihang pagdakip sa mga raliyesta hindi lang sa mga lansangan kundi maging sa kanilang mga tahanan o kahit saan.

Hindi na kasi itinuturing ng National Security Act of 2007 na sagrado ang tahanan o anomang lugar na tinitirhan ng sinomang pinagsususpet-sahang terorista.

Sa Afghanistan, Pakistan at Iraq,  wala yang mosque-mosque at binobomba at mini-missile ang mga ito.

Sa maigsing salita, Suki, masahol pa sa hayop ang turing sa mga pinagsususpetsahan o binabansagang terorista derpor wala sila ni katiting na human right.

Tutal, masahol naman umano sa hayop ang ginaga-wa ng mga ito na pamamaslang at pagwasak sa buhay at ari-arian ng lahat gaya ng nangyari umano sa LRT bombing sa atin ilang taon na ang nakalilipas at sa twin to-wers bombing sa New York.

Magmasaker ka na tulad ng ginawa sa Maguindanao o sa Hacienda Luisita o sa Mendiola o sa Lupao, Nueva Ecija o sa Pata island o ng ginagawa sa Iraq, Afghanistan at Pakistan huwag ka lang mapagsuspetsahang terorista.

Ngayon ngang binasbasan na nga ng Korte Suprema ang nasabing batas, saang putik at impiyerno kaya tayo masasadlak kapag nagsimula nang paganahin ng mga onorabol ang batas?

Ang inaalaala pa kasi natin, Suki, eh, mahilig magbansag ang ilang onorabol, lalo na ang mga korap, sa kanilang mga kaaway o kritiko na terorista upang wala nang kokontra sa kanila. Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply