Malayang hangin

KAHAPON 33 minero sa Chile ang nakalanghap ng malayang hangin matapos ang mahigit dalawang buwang pagkakabaon nang buhay sa ilalim ng lupa.

Nagbunyi hindi lamang ang Chile kundi buong mundo. Hindi nga mapagkit ang misis ko sa harap ng TV simula pa kahapon ng madaling araw para panoorin sa CNN ang buong proseso ng pagliligtas sa mga sawimpalad na minero. Tumulong pa ang NASA sa disenyo ng kapsulang ginamit para iakyat paisa-isa ang mga minero.

Hindi sila pwedeng sabay-sabay na iakyat dahil maliit lamang ang butas na ginawa. At hindi rin mabilis ang pag-akyat dahil pwedeng mamuo ang dugo nila habang umaakyat. Kaya mabagal ito, isang oras ang tagal ng pagbaba at pag-akyat ng kapsula na isa-isa lamang ang sakay.

Na-trap ang mga minero nang bumagsak at matabunan ang lagusan ng minahan ng 700,000 toneladang bato noong Agosto 5. Pinagkasya nila sa loob ng 17 araw ang pagkaing para lamang sa dalawang araw, hanggang makontak sila ng mga tao sa itaas at binigyan sila ng pagkain sa pamamagitan ng isang maliit ng butas. Ang mailiit na butas na ito ang nagsilbing ugnayan nila sa labas. Para itong pusod o umbilical cord na tumulong para sila makaligtas. Nanatili sila roon habang pinaplano ng mga awtoridad ang pagliligtas sa kanila mula sa lalim na kalahating milya. At inabot nga sila ng 69 araw sa ilalim ng lupa.

Nakahinga nang maluwag ang lahat – pati ang misis ko – nang maiakyat ang huling minero.

Nagbunyi nga ang mga taong nag-aabang sa labas kabilang ang presidente ng Chile na si Sebastian Pinera. Matinding hirap ang inabot ng mga minero at hindi maiisang hindi humanga sa

Habang nanonood, hindi maiwasang isipin ng ordinaryong mortal na katulad ko kung ano ang kondisyon sa loob ng minahan na kinasadlakan ng mga Chileanong minero. Natural hindi chilly sa ilalim ng lupa, wala ngang hangin doon. Inisip ko ang malasardinas na minibus na sinasakayan ko noon sa Saudi. Mainit at halu-halong amoy ang malalanghap mo. Mas malala kung may mautot.

Maraming tanong ang pumasok sa isip ko; gaya ng paano sila dumudumi at umiihi? Natitiis kaya nilang hindi magpalit ng brief? Paano sila ng nagpapalipas ng araw at gabi? Nagkukwentuhan kaya sila ng mga biro at korning mga bagay? Naglaro kaya sila ng pusoy? Paano nila nalalaman kung araw o gabi? Anong kanta ang paborito nilang kantahin?

Maraming galit syempre sa may-ari ng kumpanya sa kapabayaan umano nito kaya nangyari ang sakuna pero pansamantalang kinalimutan iyon dahil araw iyon ng pagsasaya.

Ewan ko lang kung ano ang mangyayari dun sa mga minerong nabistong may kalaguyo o iba pang pamilya dahil maraming umiyak sa kanila habang nasa ilalim at nagmumuni-muni tungkol sa kanilang kapalaran. Pwede lang akong manghula. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply