Manhunt operation vs frat man ikinasa

IKINASA ng pulisya ang manhunt operation sa mahigit sampung miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na hinihinalang sangkot sa pagkamatay ng isang estudyante matapos sumuko ang isa sa kanila kamakalawa ng hapon sa Binondo, Maynila.

Ang biktima ay sinimento sa isang plastic push cart. Pinasungalingan naman ng sumukong suspek na si Hernan Palacio, 28,  na hindi 15 kundi dalawa lamang silang nagsemento sa biktima sa isang plastic push cart.

Ang biktima na nagdaan umano sa hazing ng fraternity ay nakilalang si Noel Borja, 17, estudyante ng Alternative Learning Center, residente ng 207 Area B, Parola Compound.

Ang kasama ni Borja na malubhang nasugatan ay nakilalang si Nilo Abarratigue, 19.

Kusang sumuko si Palacio dakong 6:00 kamakalawa ng hapon kay Chief Insp. Erwin Margarejo, spokesman ng Manila Police District (MPD) dahil sa ito ay sinasabing nakonsensya sa nangyari.

Aminado ang MPD na nahihirapan silang hanapin ang iba pang miyembro ng  frat  dahil sa pagtanggi ni Palacio na kilalanin ang mga ito.

Ayon kay Insp. Armando Macaraeg, tumangging magsalita at ituro ni Palacio ang  mga kasamahan nito bukod sa pagsasabing dalawa lang sila ng isang alyas “Carl” ang responsable sa krimen.

Sinampahan si Palacio ng kasong paglabag sa Republic Act 8049 o Anti Hazing Law, na walang karampatang piyansa.

Matatandaang natuklasan ng dalawang batang namumulot ng basura ang bangkay ng biktima nang makita ang isang nakalutang na plastic push cart sa tubig ng Manila Bay sa Parola Compound. Jocelyn Tabangcura

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply