Mapansin nyo naman ang mga drayber

Cleveland,USA – Habang inoobserbahan ko ang public transportation system dito sa Amerika, at pinagmamasdan ang kilos at galaw ng mga bus drivers dito, hindi ko maiwasan isipin ang, mga kababayan kong mga bus drivers din sa Pilipinas.

Maraming galit sa mga bus drivers natin, mga hari daw kasi ng kalsada at walang disiplina. Boundary system kasi ang kita ng ating mga bus drivers at kanilang mga konduktor, pati rin mga taxi drivers at mga jeepney drivers.

Ang ibig sabihin lang nito, kailangan muna nila mabuo ang halaga ng boundary o upa ng kanilang sasakyan na binabayad sa mga operators o may-ari ng sasakyan bago pa sila makakapag-ipon ng kita.

Ang boundary ng isang taxi halimbawa, P1000 isang araw. Kailangan munang mabuo ang halagang ito pang boundary. Kaya kung P1500 ang kinita ng driver sa isang buong araw, P500 lang ang matitira sa kanya bilang kita na babawasan pa ng pang gasolina.

Ganun din sa bus at jeep. Kaya ano ang ginagawa ng mga drivers dito sa atin? Halos magbarumbado sa kalsada para mas makauna sa napakaraming mga kakumpetensyang mga bus, taxi at jeeps.

Kung magmaneho ay harurot lagi, nagmamadali kasi para makarami ng byahe at ang dudumi ng mga sasakyan, mausok ang mga tambutso dahil wala nang natitirang pera pangpa-ayos o pang asikaso pa dito.

Hindi ko ipinagtatanggol ang mga maling gawa ng mga public transportation drivers natin. Pero kung ikukumpara sa mga drivers sa Amerika, ibang-iba. Mga regular na empleyado ng mga transportation companies ang mga drivers dito.  Maayos at sapat ang mga benepisyo. Malinis ang mga uniporme. Magalang at mahinahon kumilos. Hindi nale-late sa schedule ng pag-dating at pag-alis ng mga bus sa mga istasyon. Sa madaling salita, disiplinado.

Pero sa Pilipinas, disiplina nga lang ba ang problema ng ating public transportation system?  Si Manong bus driver at ang kanyang konduktor, ilan kaya ang mga anak nila? Nagpapa-aral pa ba sila, umuupa ng bahay, nagsasakripisyong bayaran ang mahal na presyo ng kuryente at tubig sa Pilipinas.

Kung kagaya ni Manong taxi driver, sa isang malas na araw ay kikita lang ng dalawang daan pagkatapos ngisang mahaba at nakakapagod na pagbibyahe sa madumi at magulong kalsada, paano na?

Hindi lang pagdidisiplina ang problema sa ating public transportation system.  Nariyan din ang dapat na ginagawang pag-iintindi ng Estado sa kapakanan ni Manong Driver. Mas makabubuti ba sa kanya na swelduhan na lang, gaya ng napapag-sapan kamakailan lang. Mas gaganda ba ang kanyang kita at mas magiging maganda ang serbisyo nya sa mga pasahero dahil hindi na sya maghahabol ng boundary?

Hindi na dapat balewalain ang hindi magandang asal ng ating mga public transportation drivers at panahon na para masugpo ito. Paano? Masusing pag-aralan ang sistema ng public transportation sa bansa at alamin ang pwede at dapat lang na mabago at ayusin tungkol dito para sa kapakanan ng mga public transportation drivers natin, at sa kapakanan  nating lahat.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply