Mas maraming Leila, mas maganda!

Hindi ako natuwa sa balitang dinatnan ko pag-uwi ko dito sa Pilipinas galing sa Amerika.

Na nagparamdam daw si Justice Secretary Leila de Lima na magbibitiw sa Gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino dahil daw sa pakiramdam ng Kalihim ay hindi binigyang halaga ng Pangulo ang rekomendasyon ng DOJ tungkol sa nangyaring hostage-taking fiasco sa Luneta noong Agosto at dahil din daw hindi kinunsulta ng administrasyong Aquino ang DOJ bago nagdesisyon ang pamahalaan na bigyan ng amnestiya ang mga akusado sa kasong coup de’etat sa Oakwood ilang taon na rin ang nakalilipas.

Bilang abogado, may sarili akong opinyon tungkol sa pahayag ni Ma’am Leila pero nakakapanghinayang kung magbibitiw sa administrasyon ni Aquino ang isa sa kokonti na lang na may integridad at totoong hinahangaan at tinitingalang public officials.

Pag umalis si Ma’am Leila sa Gabinete ni PNoy ay mababawasan ang tiwala ng tao sa gobyerno ni Aquino. Nakakagulat ang ginawang pagmumuni-muni daw ni Sec. De Lima na magbitiw sa tungkulin dahil bihira sa mga opisyal na nasa mataas ang pwesto sa pamahalaan ang ginustong mag-resign.

Yun ngang mga halos isuka na ng tao at dapat lang na magbitiw na dahil puro kahihiyan at kapalpakan ang dala sa pamahalaan ay kapit-tuko pa rin.  Samantalang si Leila De Lima, nagdala ng integridad sa mukha ng administrasyong Aquino, pinagkakatiwalaan ng tao, a breath of fresh air para sa marami, magbibitiw agad ganito pa kaaga?

Naniniwala ako na naipit si Ma’am Leila sa isang dilema. Sa pagkakakilala ko sa kanya, mataas ang kanyang paninindigan sa tama at tuwid na daan. Ninais man nyang umalis dahil sa pagkakaiba nila ng pananaw ng Pangulo sa pagdesisyon sa mga mahahalagang polisiya ng pamahalaan, alam kong  nanaig ang kagustuhan sa matapang kong dating guro na makatulong sa bayan at makapagsilbi ng may mataas na integridad at katapatan.

Marahil maraming may hindi magagagandang intensyon ang natuwa nang muntikang magbitiw si Ma’am Leila. Sila na ayaw masapawan ng integridad ni De Lima, sila na hindi komportable sa tapang ni Ma’am na ipaglaban ang tama at ang dapat, sila na napahiya siguro sa gitna ng lakas ng loob ni Leila na panindigan ang kanyang paniniwala. Para sa kanila, mas mabuti siguro na mawala na si Leila para hindi napapansin ang kanila namang kahinaan, karuwagan at kawalan ng paninindigan.

Sana ay tapusin ni Ma’am Leila ang kanyang serbisyo kahit man lang hanggang 2013. Marami pa syang magagawang buti sa gobyerno ni Aquino at sa bayan lalo sa pagsusulong ng hustisya sa bansa.

Kung pwede lang ay i-reproduce pa si Leila De Lima para dumami. Kailangan pa natin ng mas maraming Leila De Lima–may prinsipyo, matalino, at magaling magsalita at mahusay magpaliwanag at pinaniniwalaan ng taong bayan.

Higit sa lahat matapang at may sariling paninidigan. Nawa ay di na mabagabag ng dilema si Leila De Lima.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com.Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply