Mga anak nina Alma Moreno at Joey Marquez, wagi sa brgy. elections; Kuhol, talo

SUMUSUNOD sa mga yapak nina Alma Moreno at Joey Marquez sa showbiz at pulitika ang kanilang mga anak.

Mga bata pa’y sinasanay na sa pampublikong buhay tulad nina Wynwyn Marquez at Jeremy Marquez.

Nanalo sa halalan sa Sangguniang Kabataan sa Parañaque City si Wynwyn samantalang sa lunsod ring ‘yon nagwagi si Jeremy bilang kapitan ng barangay sa BF Homes.

Pangalawang termino na ito ni Jeremy na tunay na binak-apan ng kanyang amang si Joey para malasap din ng anak ang mga karanasan sa showbiz at pulitika.

***

Samantala, sa ikalawang pagkakataon ay natalo si Dan Alvaro sa pagka-kagawad ng Barangay San Agustin sa Novaliches.

“Okey lang sa akin ‘yon. Kahit sa bilangan, hindi tayo nawawala sa top ten, tapos, bigla tayong nawala, okey lang. Better luck next time. Ganyan talaga ang buhay.

“Pero hindi ako titigil sa pagkandidato kahit na sabihin nila na wala akong kadalaan. Gusto ko talagang maglingkod sa aking mga ka-barangay kaya gusto kong manalo pero kung ayaw nila o ng mas marami sa kanila, hindi pa rin ako madadala,” matigas na paninindigan ng hari ng aksyon.

Noong Mayo ay natsugi rin si Alvaro sa pagka-konsehal ng Quezon City pero hindi siya nawala ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang kanyang laban.

Natalo rin ang kanyang kapartidong barangay chairman na siyang nakaupo ngayon.

***

Talo rin si Kuhol, ang sidekick ni Mr. Shooli na ginagampanan ni Jun Urbano sa telebisyon.

Nang malaman nga ng ABS-CBN Entertainment Bureau Chief na si Mario V. Dumaual na kandidato si Kuhol ay nagpursigi siya na makuha ang alalay ni Jun para sa “Star News” ng “TV Patrol” pero wala siyang cellphone number ng komedyante.

Nakisuyo si Mario sa amin na pakikuha ang numero kung saan makakausap si Kuhol. Mabuti at nakuha namin ang number niya kay Dan.

Pero nang tawagan ni Dumaual si Kuhol, Phillip Supnet sa tunay na buhay, ay walang sumasagot sa cellphone nito. Sarado ang komunikasyon.

Marahil ay naninimdim si Kuhol sa kanyang kabiguan na makapaglingkod sa kanyang mga kababayan sa Barangay North Fairview sa Quezon City.

***

Samantala, humigit-kumulang sa animnapung libong boto pa ang bibilangin sa Rodriguez, Rizal para malaman kung si Dagul, ang unanong nadiskubre ni Randy Santiago sa “MTB” o “Magandang Tanghali, Bayan” ay mananalo o hindi.

Bantay-sarado nga ang mga tagasuporta ni Dagul sa mahalagang urna ng mga balota.

Nais makapaglingkod ni Dagul sa kanyang mga ka-barangay kahit na siya ay maliit lamang.

Maraming mga artistang sumuporta kay Dagul tulad rin ng pagsuporta ni Mahal, isa pa ring unano sa kandidato ni Bok Inciong, ang isa sa mga orihinal na miyembro ng Masculados na isang konsehal sa Parañaque City, sa pagka-barangay captain sa teritoryo ng simpatikong aktor.

***

Sumusunod rin sa mga yapak ni Imelda Papin hindi lang sa pagkanta kundi sa pamamahala ng pamayanan ang kanyang bunsong kapatid na si Bobby Papin na nagwaging kagawad sa Barangay North Fairview.

Ayon kina Marilyn Jose at Yvonne Bayog, mga Comelec Assistants sa Quezon City, nasa ikalawang puwesto si Bobby sa pitong kagawad at natalbugan pa si Kuhol.

Nanalo rin si Aquino “Aqui” Garcia, ang Direktor ng Cavite Cultural Studies, bilang tagapangulo ng Barangay Dasmariñas sa Cavite.

Kaibigang matalik ni Aqui ang manunulat na si Joey Arrogante at ang propesor ng Mass Communications sa De La Salle University-Dasmariñas na si Annie Sarile na nagbakasyon lang kamakailan sa Boracay kasama sina Love Añover at Mark Salazar ng GMA Network.

Nagwagi rin ang peryodistang pampelikula na si Gary Sta. Ana bilang kagawad sa Pasig City. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply