Mga magsasaka dapat na alalayan nang todo

NAKATITIYAK tayo na ang mga magsasaka ang pinakamarami sa mga biktima ng bagyong Juan sa mga lalawigan sa hilagang Luzon.

Sila rin ang may pinakamatinding pinsala sa malalakas na hangin at grabeng baha.

Tingnan natin.

Sa mga ulat na dumarating sa atin, panahon ngayon ng anihan ng palay.

May mga nakaani na at kahit papaano, nakaligtas ang mga ito sa pananalasa ni Juan.

Pero higit na marami ang hindi pa nakaaani. Hindi naman pupuwedeng piliting anihin ang mga nagsisimula pa lang na magkalaman.

Kailangan ng mga palay ang maging hinog na hinog bago sila aanihin.

Sa tantiya ng mga taga-Department of Agriculture, mahigit kalahating milyong toneladang palay ang posibleng masira sa Cagayan Valley lamang.

Eh yung mga inabutan ng bagyo sa Cordillera at Ilocos paano? Sa Cordillera at Ilocos kasi dumaan ang bagyo sa paglayas nito.

oOo

Dahil sa lakas ng ulan, nilunod ng bagyong Juan ang mga  nakatumba nang palay dahil naman sa malakas na hangin ng super taypun.

Kung magpapakawala naman ang Magat Dam ng tubig, karaniwang nagtatagal ang baha sa mga palayan sa loob ng isang linggo.

Derpor malilibing sa putik ang mga palay.

Derpor ulit, masasayang lahat ang mga pinagpaguran at pinagkagastusan ng mga magsasaka.

At para sa mga magsasaka, sadyang mabigat ang malugi ng halagang nasa P30 mil na gastos sa isang ektaryang palayan.

Ito, Suki, ang ating nais na bigyang pansin ng pamahalaan.

Oo nga at naging aktibo ang pamahalaan sa pagliligtas sa mamamayan, kabilang na ang mga magsasaka, sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.

Ngunit makaraan ng unos,  gutom, pagkalugi at kawalan ng puhunan ang magiging buhay ng mga magsasaka at iba pang masisiraan ng kabuhayan.

Ano-ano naman ang susunod na gawin ng mga onorabol para sa kanila, huh?

Sa pagtatanong-tanong natin sa mga magsasaka, hindi pa sila talaga nakababangon mula sa pananalasa sa kanila ng bagyong Pepeng isang taon na ang nakararaan.

Kasi naman, nabagyo, nasiraan at nalugi na sila dahil sa bagyo, pininsala naman ng El Nino ang kanilang pananim at bukirin makaraan.

Nakararami umano sa kanila ang hanggang ngayon ay lubog sa mga utang na payb siks.

Yung iba, hindi na makapagtanim dahil walang nagpapautang sa kanila. Wala namang gaanong ayuda ang pamahalaan sa kanila sa muli nilang pagtatanim.

May ayuda naman nitong nakaraang halalan pero tila kapalit lang ng kanilang mga boto ang bigay ng mga pulitiko.

At ngayon ay narito na naman si Juan at ang bahang dala-dala nito na muling sumira sa kanilang pamumuhay.

Nasaan ang tunay at matagalan ayuda sa kanila ng mga onorabol, huh? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply