Multi-million peso raket sa Pasay City hall ng nagdaang administrasyon, nabisto

INIHAHANDA na sa ngayon ang mga ligal na papeles laban sa dating mga opisyal at empleyado ng Pasay City Hall na malinaw na mahaharap sa mga susunod na araw ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at falsification of public document ng Revised Penal Code.

May kinalaman ang nasabing kaso sa “multi-million peso” raket na naganap sa loob ng Pasay City Hall noong taong 2008 hanggang 2009 sa ilalim ng termino ni dating Mayor Peewee Trinidad.

Sa nakarating na impormasyon sa atin, tatlong tanggapan sa Pasay City Hall ang tinutumbok ngayon ng malalimang imbestigasyon – ang Business Permit and Licensing Office, ang City Assessor’s Office at ang City Treasurer’s Office.

Ang nasabing raket ay may kinalaman sa mga inisyung permits ng City Hall tulad ng business, health, at working permits noong panahon ng 2008 at 2009.

Nabisto kasi ni Mayor Tony Calixto na pawang “peke” at walang kaukulang resibo ng City Hall ang mga ito. Habang ang ibang establisimento naman ay idinaan na lang sa sistemang “tong-pats” o ‘yung ganap na walang record sa City Hall at ginagawang gatasan kada taon ng mga tiwaling opisyal at empleyado ng lokal na pamahalaan.

Hindi lamang tungkol sa permits ang nakitang anomalya ni Mayor Calixto kundi maging sa pag-assess ng babayaring buwis ng lupa na pawang “pinaliit” sadya ang halaga. Ibig sabihin, “kinatkong” o ibinulsa (o direktang ninakaw) ng ilang personalidad ang ilang bahagi ng aktuwal na halaga ng buwis.

Partikular na basehan sa anomalyang itong ang land tax assessment na ginawa sa nasasakupang bahagi ng Macapagal Avenue, kung saan nabisto na kulang-kulang sa P80 milyones na halaga ng amelyar ang nawawala sa kaban ng Pasay City kada taon.

Tsk, tsk, tsk! Nakakatulog pa kaya ng mahigit sa pitong oras ang mga taong sangkot sa anomalyang ito?

Sa ngayon, tambak na ang ebidensiyang pinanghahawakan nina Mayor Calixto at Boyet del Rosario – ang bagong hepe ng BPLO.

Gayundin ang mga written complaints na dinala mismo sa City Hall ng mga negosyante na nagsasabing nabiktima sila ng mga tiwaling opisyal at empleyado noong panahon ni dating Mayor Trinidad.

Saksi rin sa pagkakabisto sa mga anomalyang ito si Senior Superintendent Napoleon Cuaton na matiyagang sinamahan si BPLO chief Boyet del Rosario sa ilang araw na ginawang pag-iikot sa lungsod upang mag-inspeksyon ng lisensiya at
permit ng mga negosyante.

Paliwanag ni Mayor Calixto, hindi kailangang kasuhan ang mga negosyante na may hawak na pekeng business license at permits. Bagkus ay dapat tulungan ang mga ito na maisaayos at maitama ang kanilang mga papeles sa negosyo sa lalong madaling panahon nang sa gayon ay makapagbayad sila ng tamang halaga ng buwis sa lokal na pamahalaan.

Kung sino-sino ang mga tiwaling opisyal at empleyado ng Pasay City Hall noon ang sangkot sa mga anomalyang ito ay saka ko na ihahayag sa inyo. Hihintayin ko munang maihabla ang mga ito sa Office of the Ombudsman.

Sigurado namang pasok sila sa kasong ito kung tibay rin lang ng ebidensiya ang pag-uusapan.

Kaya payo ko sa inyong mga negosyante sa Pasay City, mabuti pang magtungo kayo ng personal sa tanggapan ni Mr. del Rosario dala ang kaukulang papeles ng inyong mga negosyo upang matiyak na hindi kayo nabiktima ng grupong nabanggit ko. Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply