NCRPO chief handa sa pagharap sa kaso

HINDI uurungan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Leocadio Santiago Jr. ang kasong administratibo na “serious negligence of duty” kaugnay ng pumalpak na rescue attempt sa hostage drama sa Quirino Grandstand sa Maynila noong nakaraang Agosto 23.

“Nirerespeto ko po ang desisyon ng Pangulong (Benigno) Aquino at haharapin ko ang desisyon ng Napolcom,” ani Santiago.

Nagpalabas noong nakaraang araw ang Malakanyang ng rekomendasyon base sa ulat ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) kung saan walong opisyal ng gobyerno kung saan kabilang si Santiago, ang kakasuhan.

Naging malaking kahihiyan ng administrasyong Aquino ang kapalpakan ng Manila Police District-Special Weapons and Tactics (MPD-SWAT) team, sa pamumuno ni Chief Insp. Santiago Pascual, na nauwi sa pagkamatay ng walong katao, kabilang ang hostage-taker.

Ayon kay Santiago, tatanggapin niya ang magiging hatol kung siya ang sisibakin o ililipat ng puwesto.

Dagdag niya, tanggap niya ang ganitong sistema at kapalaran ng mga pulis.

Nanindigan naman ang National Police Commission (Napolcom) na magiging patas ang gagawing imbestigasyon sa mga opisyal ng PNP na sangkot sa kaso.

Kabilang sa mga pulis na iimbestigahan ng Napolcom, na pinamumunuan ni Vice Chairman Eduardo Escueta, sina dating MPD Director Chief Supt. Rodolfo Magtibay, Supt. Orlando Yebra at Chief Insp. Santiago Pascual. Gaynor Bonilla

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply