NPD may payola sa jueteng nina ‘RR’, Bolok sa Caloocan

PAGING Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at Undersecretary Rico Puno, magandang maimbestigahan ang paksang ito!

Kaya pala tuloy-tuloy ang ligaya sa pagpapa-jueteng sa Caloocan City nitong sina “RR” at Bolok Santos ng Marikina ay dahil sa malaking halaga ng lingguhang “intelihensiya” na tinatanggap mula sa kanila ng pamunuan ng Northern Police District (NPD).

Ganoon din sa mga opisyal ng Caloocan City police na hitsurang mga pipi, bingi at inutil sa ginagawang pa-jueteng nitong sina “RR” at Bolok na apat na beses pa kung magpabola araw-araw.

Katuwiran ng mga kamotenng pulis diyan sa Caloocan City, paano daw nila huhulihin ang jueteng nitong sina “RR” at Bolok kung naka-timbre naman ang mga ito sa NPD?

Maliban dito, takot din sila kina “RR” dahil bukod sa maimpluwensiya ang dalawa ay kilala rin ang mga ito bilang mga de-ranggong opisyal ng lungsod ng Caloocan.

Tandaan n’yo ha? Local officials ang dalawang kumag na ito at ang isa sa kanila ay kilala sa lungsod bilang “tsikboy na manyakol.”

Marami ang nagsasabi na ang nasa likod daw ng “RR” jueteng network ay itong si Rey Recto. Nagkakamali po kayo, iba po ang lakad nitong si Rey Recto. Siya po ang itinuturo ng mga source natin bilang “hari” ng video karera sa Valenzuela at Caloocan.

Sa susunod na lang natin tumbukin itong SI Rey Recto gayundin ang mga puwesto ng kanyang video karera sa Valenzuela at Caloocan.

* * *

Balik tayo sa usapang NPD.

Hindi ko na babanggitin pa kung sino itong mga namumuno sa NPD dahil walang karapatan ang pangalan nila na masingit  sa espasyong ito. Lalo pa’t marami na ang nagsasabi na hindi lang sa Caloocan City sila nagsisilbing “protektor” at “promoter” ng illegal gambling kundi maging sa buong CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) area.

Sa totoo lang, may mga pulis na matitino pa rin diyan sa NPD kaso nga lang ay pilit na lang nilang sinisikmura ang mga katarantaduhan ng mga amo nila.

Isang PO3 Lito Aguas ang nagsisilbing “kolektor” ng mga namumuno diyan sa NPD.

Si Aguas ang direktang kumukuha ng payola mula sa mga illegal gambling operators diyan sa CAMANAVA area.

Magkano ba ang ibinibigay sa inyo ng mga gambling lord at mukhang payag na kayo na masibak sa inyong tungkulin bilang mga pulis?

* * *

May nasagap akong balita na sa pagsapit ng Oct. 15, mag-uumpisa na raw ang pataya ng jai-alai sa buong CAMANAVA area!

Nakakuha na raw kasi ng mga permit mula sa mga lokal na opisyales para makapag-operate ang off-fronton betting stations sa nasabing lugar.

Natural kung may permit, siguradong marami ang nagkapera.

Hindi lang sa betting stations gagawin ang tayaan. Siyempre kasama sa gagawing pagpapataya ay ang style ng sa jueteng. ‘Yun bang may mga kubrador ng taya sa bahay-bahay sa isang lugar.

Pero alam ba ng mga opisyal ng CAMANAVA area na maaari silang sumabit sa bandang huli dahil sa pagbigay nila ng permiso para paganahin ang jai-alai sa kanilang mga lugar?

* * *
Anumang reklamo, komento,  o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply