Ombudsman, paano ang P6.6B iskam sa Pag-IBIG?

MAKARAANG umalingasaw ang iskam sa P7.5 bilyong farm to market roads na naging proyekto ni Gloripie, umaalingasaw  naman ang iba pang iskam gaya ng  nagkakahalaga ng P6.6B proyektong pabahay, sa panahon pa rin ng ex-President at ngayo’y kongreswoman ng Pampanga.

Kaugnay nito, itong si Madam Mercy Gutierrez sa Office of the Ombudsman ay dapat na mag-take note sa imbestigasyon ng Senado ukol sa P6.6 bilyong iskam sa Pag-IBIG. Pag sinabi nating magteyknot siya, dapat na rin siyang mag-imbestiga.

Dapat na tularan nito ang Korte Suprema sa pagkilos laban sa luko-lukong mga nasasakupan nito.

Ang mga Hukom, kapag nakabasa, nakarinig o nakapanood sila ng mga balita sa katarantaduhan ng kanilang mga tauhan, agad silang umaaksyon o nag-iimbestiga, kahit sa tahimik na paraan.

Kahit isinulat lang sa papel ng greyd wan, ineenterteyn nila ito.

oOo

Dapat ngang magpakita ng gilas habang nasa upuan pa si Madam Mercy at alanganin pa ang kasong impitsmen na nakasampa laban sa kanya.

Nauukol na naman ang imbestigasyon sa iskam na nangyari noong panahon ni Gloripie sa Malakanyang.

Kung hindi siya mag-teyk not at hindi mag-imbestiga, baka sabihin ng iba riyan na talagang dinededma nito ang mga kasong kinasasangkutan ng esposa ng klasmit niyang si Big Mike.

Ayon sa mga senador, grabe ang mga kalokohan na lumalabas sa pangungutang ng kompanyang Globe Asiatique Realty Corporation sa PAGIBIG ng P6.6B. Ginamit ang salapi sa proyektong pabahay sa Mabalacat at Bacolor sa Pampanga.

Para makautang, libo umano ang mga kuwestiyonableng aplikasyon. Sa mahigit 10,000 aplikante para magkabahay, mahigit 1,000 ang hindi matagpuan, mahigit 400 ang nagsabing hindi sila kailanman nag-aplay at nasa 200 ang may hindi kumpleto ang dokumento.

Yung mga nakapag-aplay, dinatnan nila ang mga bahay na hindi kumpleto o substandard, sabi ng mga senador.

Sa pagsilip naman ng mga kongresman, parang may mga opisyal ng Pag-IBIG na may mga unit sa proyekto ng Globe Asiatique sa Mandaluyong, ang GA Twin Towers.

Kung paano sila nagkaroon ng mga unit, eh, sisilipin daw baka konektado sa mabilis na paglalabas ng pera ng Pag-IBIG na P6.6B.

oOo

Suspetsa ng mga senador, may mga kumita nang malalaki rito.

O Madam Mercy, sino-sino sila, huh? Meron bang taga-Malakanyang?

Dapat na sumabay kayo sa Senado sa pag-iimbestiga at pagkilala sa mga nakinabang diyan, kahit taga-Malakanyang pa noon.

Ipakita ninyong waepek sa inyo ang pagiging magkaklasmit ninyo ni big Mike noon sa isang sikat ng iskul.

Pupuwede pa kayong bumawi sa paratang na meron kayong pinagtatakpan sa mga malalaking nakawan sa pamahalaan noong nakaraang administrasyon. Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply