Pagsibak kay Deles idiniin pa

HINDI natinag ang mga miyembro ng Kamara de Representantes sa pahayag ng Malakanyang na buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kay Presidential Adviser for Peace Process Teresita “Ging” Deles kaya’t mag-te-tengang kawali na lamang siya sa panawagang sibakin ito.

Ngunit lalo lamang nanggigil ang mga kongresista, partikular sa mga taga-Mindanao, at muling nanawagan sa Pangulo na alisin na sa Gabinete si Deles.

Nauna rito ay nagkakaisang inaprubahan ng Kamara ang isang resolusyong humihiling sa pagbibitiw sa pwesto ni Deles.

Matatandaang nag-ugat ang isyu makaraang insultuhin umano ni Deles si Lanao del Norte Rep. Fatima Aliah Dimaporo sa isang budget hearing sa Kamara.

Sa nasabing insidente ay pinagsabihan ng presidential adviser ang kongresistang Muslim na magbasa na lang ito ng kanyang background at librong sinulat.

Itinanggi ni Deles, na inakusahan ni Dimaporo na naglalatag ng mga programang manhid sa cultural sensitivity ng Muslim community, na binastos niya si Dimaporo, ngunit napatunayang hindi ito sapat upang pigilin ang pakikiisa ng mga miyembro ng Mindanao bloc sa Kamara sa kanilang kalugar.

Sa kabila ng pahayag ni Deles, isinulong pa rin ng mga kongresista ang pagpasa ng resolusyon nangungumbinse kay Pangulong Aquino na sibakin na si Deles.

Sa resolusyong ipinasa ng lahat ng kongresista bago pinalusot sa ikalawang pagbasa ang panukalang P1.6-trilyon 2011 national budget, idiniin ng mga kongresista ang agarang pagbitiw ni Deles.

Bilang reaksiyon sa nasabing resolusyon ay nagsalita ang ilang opisyal sa Malakanyang na hindi matitinag sa pwesto si Deles sa kabila ng presyur mula sa Mindanao bloc sa Kamara.

Sinabi rin ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na naniniwala ang Palasyo sa paliwanag ni Deles na hindi nito ininsulto si Dimaporo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply