Pagtaas ng presyo at iba pang pagsamantala

LILIPAS at lilipas din ang bagyong Juan at ang baha na dala-dala nito.

Ngunit mag-iiwan ang mga ito ng malawak na kasiraan sa pananim, hayop at iba pang ikinabubuhay ng marami sa Luzon.

Katunayan, sa kalagitnaan ng bagyo, nagdeklara na ang lalawigan ng Isabela ng state of emergency para matugunan
ang mga pangangailangan ng mga taga-Isabela.

Kabilang ang Isabela sa mga lalawigan sa Luzon na labis na sinalanta ng bagyo na sumakop nang matindi sa northern Luzon.

Magbubunga talaga ang bagyo at baha ng kakapusan sa napakaraming mamamayan.

Dito ko naalaala, mga Bro, ang mga negosyante.

Siyempre pa, may magtitinda ng mga yero, semento, bakal at iba pang pangangailangan ng mamamayan sa kanilang pananahanan.

May mga magtitinda rin ng mga pagkain mula sa gulay hanggang sa mga karne, isda at de lata.

Iba pa ang mga magtitinda ng mga butil ng mga halaman, abono, at iba pa na gagamitin sa pagbuhay ng mga palayan at taniman.

May mga negosyante rin ng mga gamot, damit, tubig at marami pang iba.

Ang tanong ngayon dito ay kung magmamahal nang todo ang mga presyo ng mga paninda.

Sana naman, iwasan ng mga switik at mapagsamantala ang makabibigat sa hindi magandang kalagayan ng mamamayan.

Hindi magandang makita na ilulublob ng mga negosyante sa hirap ang mga biktima ng mga kalamidad.

Meron ding mahalagang bagay na dapat na isaalang-alang.

Yun bang —- paggasta ng mga pondong bayan.

Dapat bantayan ito.

Matagal nang problema, mga Bro, ang paglalaho ng parang bula ng malalaking bulto ng pondong bayan makaraan halimbawa ng deklarasyon ng state of calamity.

Ang daming mga kaso ng pagnanakaw na nakabinbin sa Ombudsman tuwing sumasapit ang mga halalan at ang state of calamity na deklarasyon ang isa sa mga pinanggagalingan ng mga kaso.

Hindi ko sinasabing ang Isabela ang gagawa nito.

Isa lang itong paalaala na hindi na sana maulit nang maulit ang paglustay at pagbubulsa ng mga corrupt ng pondong bayan na dapat sana’y para sa mga biktima ng kalamidad.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply