Palpak o palakpak

Ang first 100 days ni Pangulong Noynoy Aquino, pasado ba sayo?

Minsan naisip ko, natural yata na hindi pumapasa sa ganitong sukatan ang isang Pangulo dahil mataas talaga ang ekspektasyon ng mga tao sa punong lider ng bansa, lalo pa na napakaraming problema ng Pilipinas.

Sabi ng ibang pari, pasang-awa, sabi ng mga kalaban sa pulitika, bagsak, pero sabi ng mga kakampi, syempre pasado si PNoy. Pero popular pa rin si Pangulong Noy at ang sabi ng iba, lalo ang mga umasa at patuloy na umaasa sa kanya, “okey” naman daw ang performance ng Pangulo, pumalpak lang daw talaga sa pag-handle ng Quirino Grandstand hostage-taking fiasco, pero ang karamihan ay nagsasabing bigyan pa ng sapat na panahon si Pangulong Aquino.

Sabi naman ng ilan, para kasing walang sinusunod na direksyon ang administrasyon ni Aquino. Sabi pa, kung may plano ang Pangulo sa kung saan dadalhin ang bansa at kung paano nya tayo dadalhin doon, sya lang ang nakaka-alam dahil sinasarili nya ito at hindi sinasabi sa tao.

Palpak din daw si Aquino sa pagpili ng mga taong inilagay sa mga mahahalagang pwesto sa gobyerno. Pero mas marami pa rin ang nagsasabing ‘okay’ pa naman si Noynoy kahit papano.Kung iisipin na hindi naman talaga plano ni Noynoy na maging Pangulo, siguro ‘okay’ nga lang.

May ilan din na ang gusto sana ay mas  maging matapang at visible na Presidente si Noynoy. Ang feeling nila, hindi sapat ang pagpupursige ni Aquino para maging mas epektibong Pangulo.

Malabnaw daw ang kanyang pagka-agresibo gayong napakalaki at napakarami ang problema ng bansa.

Pero ang mga nagsabi ng ganito ang mismo ring nagsabi na maikli lang naman talaga ang isang-daang taon para mahusgahan ang kakayahan ng President na mabago at mapaunlad ang isang bansa, lalo ang Pilipinas.

Sa kabilang banda, aprub ang grado ni PNoy sa pagsupil ng graft and corruption. Maraming pumalakpak sa bilyun-bilyong natipid ng Aquino administration mula sa pag-re-re-bid ng mga maiskandalong proyekto lalo kung saan involved ang flood control projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa mga ayaw kay PNoy, siguro binibilang na nila ang araw ni Aquino. Pero sa mga hindi pa nagbabago ang tiwala at patuloy pa ring umaasa, sinasabing ang lahat ng ipinapakita ni Aquino sa publiko ay maaaring hindi mismo ang leadership style nya. Baka sa pribado daw ay mahigpit sya at matapang at sa harap lang ng tao malambot at mabait.

Kung ano man bilang Presidente si Noynoy Aquino, sa harap o sa likod ng publiko, sukatin na lang natin pagkatapos ng mas mahaba-haba pang panahon. Sukatin natin sya sa kung paano nya susugpuin ang kahirapan at ang kawalan ng hustisya, kung paano nya ia-angat ang moral ng Pilipino at turuan tayong magtiwala at mangarap muli ng isang magandang buhay at isang mabunying bansa. Sukatin natin si PNoy kung paano nya maibabalik muli ang paggalang, respeto, at tiwala ng bayan sa pamahalaan … at, pagkatapos nun … sabi ng sa Ingles … all else will follow.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply