Panukalang ‘odd-even scheme’ pa lang –MMDA

BINIGYANG-LINAW ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na binabalak pa lamang at hindi pa ipatutupad ang “odd-even scheme” sa kahabaan ng Edsa.

Ayon kay Tolentino susuriin pa at aaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang panukala at kailangang magkaroon ng isang resolusyon upang maipatupad ito.

Tiniyak nito na hindi niya ipipilit ang muling pagpapatupad ng nasabing panukala at bahala na ang mga alkalde ng Kamaynilaan na magdesisyon tungkol dito.

Nilinaw din na may dalawang bersyon ang odd-even scheme. Isa sa dalawang bersyon lamang umano ang ulat na lumabas kamakalawa.

Sa nai-report na bersyon,  ipatutupad ang odd-even scheme mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi sa kahabaan ng Edsa.

Sa nasabing panukala ay walang “window period,” tulad ng ipinatutupad ngayon sa ilalim ng “number-coding scheme.”

Sa ikalawang bersyon, ipatutupad ang odd-even scheme sa peak hours mula 7:30 hanggang alas-diyes ng umaga at alas-singko ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi.

Idinagdag pa na inilabas nila ang mga panukalang ito upang magkaroon ng talakayan at makuha ang pulso ng mga mamamayan.

Naniniwala sa Tolentino na malaki ang maibabawas sa pagsisikip ng trapiko sa Edsa ang odd-even scheme.

Batay sa statistics, mahigit sa 100,000 behikulo araw-araw na dumadaan sa naturang lugar.  Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply