Para sa ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon: ‘Kontra paputok’ inilunsad

DAHIL bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang pagpapaputok sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon, makabubuting magtalaga na lamang ang lokal na pamahalaan ng ‘common area’ o ‘designated place’ para sa fireworks display at sama-samang panoorin ng pamilya para makaiwas sa posibleng mga aksidente dulot ng firecrackers o fireworks.

Ito ang rekomendasyon ni Health Secretary Enrique Ona sa ginanap na press conference kaugnay sa ‘kontra paputok’, na maagang kampanya sa wastong paggamit ng fireworks at paputok lalo na sa mga bata, sa nalalapit na Kapaskuhan, dalawang buwan mula ngayon.

Ang paputok ay pinaniniwalaang nakapagpapaalis daw ng malas sa paghihiwalay ng taon, partikular na ng mga Tsino.

Sa talaan ng DOH nitong 2009, nabatid na halos mga bata ang nakararaming nabiktima ng paputok.

Mas maaga ng halos isang buwan ang paglulunsad ng nasabing kampanya kumpara noong nakalipas na mga taon upang ganap na maihanda ang bawat pamilya sa ligtas na ‘holiday seasons’. Mas mataas ang naitalang aksidente dahil sa paputok nitong 2009 kesa noong 2008.

“Ipunin na lang natin ang pera ng ating mga kapitbahay sa komunidad na nakalaan para sa fireworks.  Kahit medyo mahal ang pagpapagawa ng Class A fireworks, tiyak na mag-e-enjoy pa ang ating pamilya habang kumakain at nanonood.  Ligtas pa dahil mga professionals ang magha-handle nito.  Nakapagba-bonding pa ang pamilya.  Sabay-sabay na panoorin sa plaza ang fireworks display. Ano ba ang makikita natin sa paputok?  Ingay at kulay lang di ba?  Usually pag-New Year takot tayong lumabas dahil baka tamaan tayo ng paputok.  Kesa gumamit tayo ng malalakas na paputok na nakaugalian na ng mga Pilipino,” ani Ona.

“Hindi ba during New Year, pinapakita sa TV kung anong ginagawa sa ibang bansa. Hindi na sila ang nagpapaputok, may magagandang fireworks na lang na pinapanood sa langit,” dagdag pa ng kalihim

“Mahirap naman na ban tayo ng ban…eh wala ding nangyayari.  Iwasan na lang na gumamit ng mga matitinding paputok lalo na sa mga bata na nasa edad 10 pababa.”

Pero nilinaw ni Dr. Ona na bagama’t walang ligtas na paputok, higit na ipinagbabawal na ng batas ang plapla, super lolo, five star at piccolo.

Ipinagbawal nitong 2009 ng Philippine National Police (PNP) ang piccolo dahil ‘attractive’  ito sa mga bata subali’t itinuturing na isa sa mapanganib na paputok.

“The DOH data clearly indicates that children are most prone and vulnerable to fireworks-related injuries,” giit pa ni Dr. Ona.

Kabilang sa limang (5) nangungunang paputok na sanhi ng aksidente noong 2009 ay piccolo (30%),kwitis (14%), lusis (7%), five star (6% ) at plapla (5%).

2009 injuries

Sa talaan ng DOH sa bilang ng mga biktima ng paputok nitong nakalipas na taon, umabot sa 990 ang sanhi ng mga paputok, 45 mula sa mga ligaw na bala (stray bullets).  “And this represents a 164% increase compared to 2008 (17 cases),” ani Ona.

Ang mga edad ng nasabing mga kaso ay mula edad 2 hanggang 78 (median age, 14 years old).  Ang pinakaapektadong grupo ay nasa edad 1 hanggang 10 (288/1036) at ang edad mula 11 hanggang 20 (251/1036) age group.  Mayorya (79%) ng mga nasugatan ay kalalakihan.
Samantalang ang 57 porsyento ay direktang humawak ng mga paputok.

Kaya nga ipinapayo ni Dr. Ona na protektahan ng mabuti ang mga bata laban sa mga aksidenteng dulot ng paputok.  Walang ligtas na paputok maging ang lusis at kwitis na akala ng nakararami ay ligtas para sa mga bata.  Katunayan marami ng mga bata ang nabiktima nito noong 2009 at mga nakalipas pang mga taon.

Ayon pa sa Health Secretary, iniulat ng US Homeland Security na ang inaakala nating ‘harmless luces’ ay nakapagdudulot ng sunog hanggang 2000 degrees Fahrenheit o sampung (10) ulit nang kumukulong tubig.

Dalawa ang naiulat na namatay noong 2009 dahil sa paputok.  Ang isa ay dahil sa matinding pinsalang dulot sa mata dahil sa kwitis at brain injury dahil sa jumbo kwiton, isang uri ng paputok na mabilis na nakapagdudulot ng nakayayanig na putok.

Simulan na ang pagmomonitor

Naniniwala  si Dr. Ona na ngayon na ang panahon para simulan na ang pagmomonitor at pag-iinspeksyon sa mga pagawaan ng paputok at fireworks maging ang bentahan ng mga ito.

MGA AHENSIYA NG GOBYERNO NAKIISA SA KAMPANYA NG ‘KONTRA PAPUTOK’

Nakiisa ang mga ahensiya ng gobyerno sa DOH bilang paghahanda sa ligtas na pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.

Iginiit ni Philippine National Police (PNP) Chief Inspector Rico Brocamonte na paiigtingin nito ang mahigpit na pagbabantay sa mga pagawaan ng fireworks at firecrackers.  “We will confiscate illegal fireworks starting at the manufacturing stage, even before they are distributed and sold.”

Nanawagan din ito sa publiko na agad na i-report sa kanila ang mga kaso ng stray bullets sa nasabing okasyon. “Mas madali nating malalaman  ang origin ng ligaw na bala kung may magre-report.  Kung wala, mahirap itong ma-detect kung kanino nanggaling,” diin pa ni Brocamonte.

Nakasaad naman sa alituntunin ng Bureau of Fire Protection (BFP) na paalalahanan ang publiko na bumili lamang ng mga paputok na may kalidad.

Sinabi ni C/Inspector Honee Fritz Alagano, Chief, Public Information Services ng BFP, na laging nasa forefront ang ahensiya sa ganitong mga okasyon dahil marami ang gumagamit ng mga mababang kalidad na paputok na nagiging dahilan ng mga sunog.

Sinisiguro aniya ng ahensiya ang kaligtasan ng publiko. Nakahanda ang mga truck at ambulansiya sa ‘designated places’ kasabay ang maigting na monitoring upang maiwasan ang pagkawala ng mga buhay dahil sa paputok.

Tinitiyak din ng BFP na nakatutugon ang mga pagawaan ng paputok sa alituntunin nito at binibigyan ito ng “Fire Saftey Inspection Certificate”. “If they have the certificate, that means they passed the safety standards of the BFP.”

Sinisiguro din ng Armed Forces of the Philippines na magiging maingat ang kanilang hanay sa pagpapaputok ng baril sa ganitong okasyon upang walang mapinsala ayon kay Col. Antonio Taguibao.

Higit sa lahat, mahigpit din ang sirkular ng Department Of Education (DepEd) sa mga estudyante na iwasan ang gumamit ng mga paputok hangga’t maaari upang makaiwas sa aksidente ayon kay Dr. Ann Quizon.

Mas makabubuti aniya na gumamit ng mga ligtas na paraan sa pagsalubong sa bagong taon upang maging masaya ang pagsisimula ng panibagong taon.

Ipinaalala din ng mga kinauukulan na huwag basta mamulot ng mga paputok na akalang hindi pa pumuputok matapos ang putukan dahil kadalasan natitiyempo itong sa kamay pumuputok kapag pinulot.

Nagiging dahilan din ng pagkaputol ng mga daliri  sa paa at kamay ang paputok.

Kapag may naputukan ay kailangang hugasan ang sugat ng tubig at sabon at pumunta sa pinakamalapit na health center o hospital upang malapatan ng tamang lunas ang sugat.

Makabubuting gumamit ng takip ng kaldero, torotot, lata at iba pang materyales na pwedeng makalikha ng ingay subalit ligtas sa anomang pinsala. Linda Bohol

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply