Parang ikinula

HABANG nagrereklamo ang mga babaeng taga-Hollywood tungkol sa pag-photoshop sa mga litrato nila ng mga magasin, dito naman sa Pinas dedma lamang ang mga kalahi ni Eba habang ipinagduduldulan sa kanila ang konseptong maganda ang maputi. Wag nang sabihin pang maganda ang payat.

Sa Tate, nagreklamo si Kate Winslet at ilang mga sikat na artista dahil “pinapayat” sila sa litrato sa pabalat ng mga magasin. May isang black actress ang pinapusyaw ang kulay.

Nagrereklamo sila bilang pagtutol sa ginagawang manipulasyon ng media na nagbibigay ng maling kaisipan sa mga tao. Depression lamang ang dulot nito sa mga ordinaryong kababaihan o kalalakihan o kabaklaan na naiinggit sa nasa mga larawan nang hindi nila nalalaman na kasinungalingan lang naman pala iyon.

Dito sa Pinas, walang kahihiyang ipinamamarali ng mga patalastas sa telebisyon na dapat maging maputi ang Pinay para siya masabing maganda. Ayos lang kung pango ang ilong mo o maiksi ang mga daliri basta kelangang maging maputi ka. At madali na raw itong gawin ngayon sa tulong ng glutathione at sabong gawa sa papaya o mga “scrub” na pantungkab ng maiitim na balat.

“Patalastas ay salamangka na pilit lumilikha ng baluktot na pagnanasa, papuri sa banyaga.” Iyan ang kinakanta noong araw ng mga babaeng militante. Pero hindi na nga siguro klik ang mga aktibistang nagrereklamo sa patalastas na naghuhubog ng kaisipan at opinion ng mga tao. Tanggap na nila ang katotohanang wala silang laban sa dito. May mas matinding problema ang lipunan gaya ng kahirapan at kawalang katarungan ayaw na nilang pakialaman ang isyung kosmetiko lamang.

Pero hindi ko maalis na maasar tuwing nakikita sa TV ang patalastas na nagsasabing pumuti si ganito’t si ganoon “in just seven days,” na para bang malaking bagay ang pagputi.

Isa na itong multi-bilyong industriya na nabubuhay sa pagkagusto ng marami na maging “in” o maputi at katanggap-tanggap sa alta sosyedad. At dahil naisaksak na sa isipan ng marami, tinatanggap na lamang ito nang wala nang esep-esep. Colonial mentality ang tawag dito ng mga sinaunang aktibista pero ngayo’y para na itong isang katotohanang walang pinagkaiba sa pagsilang ng isang batang pango at maitim.

Isa itong bagay na malaon nang tinanggap ng marami, mabuti na lang at may mangilan-ngilang na tumatanggap ng katotohanan na hindi na puputi ang kanilang kutis kahit ikula o kahit pumuti ang uwak at umitim ang tagak. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply