Patunayan na mali ang bintang sa inyo

Ang daming lugar sa bansa ang parang ide-deklara pa yatang failure of elections ang naging halalan nitong Lunes.

Iba-iba ang rason, may mga lugar na konti lang ang sumipot na mga botante, may mga lugar na hindi dumating ang mga balota, mayroon din kung saan nagka-palitpalitan ang mga balota, at may mga lugar na hindi sumipot ang mismong mga elections inspectors.

May mga lugar din sa bansa na ipinagpaliban ang halalan, postponed sa kung anu-anong dahilan. Sa tinagal-tagal na nating isang demokrasya, kailan pa matututo ang Comelec. Parang bago ng bago ang Comelec.

Tuwing halalaan na lang may kapalpakan, may laging hindi naayos at may laging hindi naihahanda. Kaya nga isinabatas ang petsa ng halalan dahil hindi dapat ito mabago o ma-postpone.

May mandato ang Comelec na walang ibang gawin kundi siguraduhin na maayos at malinis ang bawat halalan sa bansa. Hindi ako nagtataka kung bakit konti lang ang nag show up sa ibang mga voting precincts noong Lunes kahit pa holiday ang araw na yun, napapagod na ang tao sa halalan lalo pag laging may kapalpakan.

Dapat talagang seryosohin na ang pag-imbestiga sa kung ano ang dahilan ng mga delayed at postponed elections at ng failure of elections sa ibang mga lugar nang sa ganun ay matulungan ang Comelec, at maturuan sila kung paano magiging maayos ang mga susunod na halalan sa bansa.

Pero binabati ko ang mga nanalo sa halalan, lalo ang mga nanalo ng patas at tapat. Nawa ay sumainyo ang buong pusong suporta ng inyong komunidad nang sa ganun ay makapagsilbi din kayo ng maayos sa inyong nasasakupan.

Sa mga lugar na nagkaroon ng karahasan, sana ay maging aral na at huwag nang maulit pa.  Sa mga guro na tumulong na maging maayos at tahimik ang botohan, saludo ako sa inyong serbisyo.  Dahil sa inyo kaya kahit papano ay nagagawa ng Comelec ang kanilang trabaho.

Sa mga hindi pinalad na manalo, nawa ay hindi kayo tumigil sa pagseserbisyo sa inyong komunidad.  Maraming paraan ang pagtulong sa bayan at hindi kailangan nakapwesto sa pulitika para maging isang public servant.

Sa mga bagong halal na mga batang lider nawa ay gawin ninyo ang lahat ng inyong makaya para pabulaanan ang mga bintang na na-corrupt na ng tradisyunal na politika ang inyong murang isipan.

Maraming naglabasang komentaryo bago ang botohan sa Baranggay at sa Sanguniang Kabataan na nawala na ang kalinisan ng puso ng mga batang tumatakbo para sa pwesto sa gobyerno dahil nagagamit lang sila ng mga pulitiko at dahil wala naman silang nagawang makabuluhang proyekto gayung nakakakuha din sila ng pondo sa gobyerno.

Kaya sa inyong mga batang inihalal ng inyong komunidad, patunayan nyo na mali ang masasamang paratang sa inyo at ipakita ninyo magmula sa araw na ito ang tunay na ibig sabihin ng tapat at malinis na serbisyo.

Good luck sa inyong lahat.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply