Pirata, salisi sa calamity fund, evacuation lunurin

HINDI yata masukat ang tuwa ni PNoy sa patakaran niyang zero casualty sa bagyong Juan at baha.

Sa tingin niya ay naging matagumpay ang programa  na maagap na paglilikas ng mamamayan sa harap ng mga  kalamidad gaya ng mga bagyo at baha.

Ito’y sa kabila ng kabiguan nitong makamit ang zero casualty sa bagyong Juan dahil may namatay na 10 lahi ni Juan.

Sa halip na daan-daan o libo ang namatay, iilan lang, ganun ba, PNoy?

Talagang iba ang maagap sa masipag.

Maganda ngang bago pa maganap ang kalamidad, iligtas na ang mamamayang posibleng maging biktima.

Eh kung saka nga naman kikilos kung andiyan na ang problema, late na.

Sa totoo lang, hindi kinakailangan ni Juan ang mga mukhang bayani sa gitna ng mga kalamidad.

Kailangan niya ang nakapaghahanda nang maaga para maiwasan ang disgrasya.

oOo

May tanong nga lang: hindi ba ningas kugon lang ito, huh?

Tingnan ninyo, Suki.

Nakayanan ni Ms. Dinky Soliman ang maglatag sa mga ebakwesyon senter ng nudels, sardinas at lugaw.

Pero hanggang sa pitong araw lang umano.

Eh paano ang pagtira ng mga ebakwis diyan nang mahigit sa isang linggo at paano ang mga darating pang mga bagyo at baha?

Alalahaning sinasabi ng mga propeta sa PAGASA na may darating pang nasa 10 bagyo at ilan sa kanila ang mas mabagsik sa super taypun na si Juan.

Nga pala, sabi ni PNoy, sisisid ang kanyang pamahalaan kung saan nababaha si Juan.

Mining tu sey, Suki, makikiisa nang todo ang gobyernong Aquino sa mga hirap at ginhawa ni Juan at in siknes o in helt.

Ms. Dinky, yung mga pamilya ng mga patay, paano?

Sa nakaraang mga panahon, walang pakialam ang gobyerno sa mga ito.

Hinahayaan nilang ilibing ng mga patay ang kanilang mga sarili.

Ano naman ang gagawin ng inyong opisina, huh?

oOo

Oo nga pala, nakakalap natin ang mga balitang may mga salisi at pirata talaga sa iniiwanang mga tahanan sa oras  ng mga kalamidad.

Tinatangay ng mga ito, Suki, ang mga manok, baboy, kalabaw, kaldero, tangke ng LPG, telebisyon at anomang naiiwanan ng ebakwis.

Ngayon pa lang ay may nangangamba naman kung saan-saan mapupunta ang mga calamity fund na inilalabas sa ngalan ni Juan.

Ano-ano kaya ang mga pupuwedeng gawin sa mga salisi at pirata na  ito?

Sakaling may mahuling humahalungkat sa mga bahay nang may bahay sa mga kinakalamidad at sakaling mahuhuli rin ang mga salamangkero sa mga calamity  fund, ano kaya ang gagawin sa kanila?

Pupuwede kayang sentensiyahan agad ang mga ito at lunurin na lang sila??? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply