Proteksyon ng testigo sa Truth Commission nasaan?

BUKAS na bukas na ang Truth Commission sa pagtanggap ng mga sumbong ukol sa malalaking nakawan o pang-aabuso ng nakaraang administrasyon ni ex-President at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo.

Kabilang sa mga mahahalagang usapin dito ang testimonya ng mga testigo bilang ebidensiya.

Isang magandang halimbawa rito ang pagsasalaysay ni Rodolfo ‘Jun’ Lozada kung paano siya umano kinidnap at balak patayin kaugnay ng napipinto niyang pagtestigo noon sa P16 bilyong ZTE-NBN scam.

Kaiba ang testimonial evidence sa mga ebidensiyang nasa dokumento at materyal na bagay.

Malaki ang maitutulong ng testimonial evidence sa paghahabol ng gobyerno sa mga kawatan dahil kapag nagturo na ang testigo sa mga suspek o akusado, naririyan ang tinatawag na positive identification.

Kapag kinilala at itinuro ka ng testigo na ikaw ang may kagagawan sa mga krimen na inuusig sa hukuman o iniimbestigahan ng katulad ng  Truth Commission, maghanda-handa ka nang maposasan at makulong.

Ganyan kahalaga ang testigo sa isang krimen.

Pero sa kanyang pagtestigo, nanganganib naman ang kanyang buhay, lalo na kung malalaki ang kanyang nakasasagupa sa mga kaso.

Sa kaso lang ng P720 milyon na abono scam, ilan na ang namatay na nakaaalam sa kaso?

Kabilang dito, mga Bro, ang mediaman na si Marlene Esperat na kumalkal sa kaso ngunit minarder siya sa kanilang tahanan sa Mindanao at sa harapan pa ng kaniyang mga anak.

Sa imbestigasyon ng Senado sa kaso, lumitaw sa pagdinig ni dating Senador Richard ‘Dick’ Gordon na hindi lang si Esperat ang pinaslang kundi ang isang opisyal ng Department of Agriculture na nagbigay ng testimonya sa Senado.

Dalawa pang tao ang natagpuang patay at inihulog sa bangin sa isang bayan sa Bulacan dahil sa nasabing scam.

Sabi ng Truth Commission, magbibigay sila ng proteksyon sa mga testigo.

Ang tanong: gaano kahigpit ang seguridad na ibibigay ng komisyon sa mga testigo? Hanggang kailan ibibigay ang proteksyon?

Hangga’t hindi nililinaw ang mga tanong na ito, nakatatakot ang maging testigo sa mga kaso. Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply