Rico J. Puno, nasa watchlist ng MTRCB

NGAYON pa lang ay minamanmanan na ang klase ng pagpapatawa ni Rico J. Puno sa “Pilipinas Win na Win” ng ABS-CBN o kung ano ang uri ng kanyang pakikipag-balitaktakan sa kanyang mga panauhin o maging sa kanyang mga kapwa host, lalo na yaong mga babae tulad nina Pokwang at Valerie Concepcion.

Inamin din ni Rico na siya ay nasa watchlist na ng Movie and Television Review and Classification Board(MTRCB) dahil sa kanyang kilalang pagpapatawa na may pagka-makulit at pagka-medyo bastos.

“Nasa watchlist na nga raw ako ng MTRCB, sabi sa Philippine Star,” pagpapahayag ng singer na kinuha ng ABS-CBN para pumalit kay Kris Aquino sa game show na pang-tanghali.

Kasama ni Puno na i-empleyo ng ABS-CBN bilang mga talents ang kapwa Hitmakers ni Rico na sina Nonoy Zuñiga, Rey Valera at Marco Sison na kilala ring mga bating na mang-aawit.

***

Pero siniguro ni Corics na makakaasa si Maria Consoliza Laguardia, ang tagapangulo ng MTRCB, na hindi siya magpapaka-balahura sa kanyang pagho-host sa palatuntunan.

“Kilala naman ninyo ako. Naughty lang ako pag sa akala ko, okey lang. Pero alam ko ang mga limitasyon at obligasyon ko. Matagal akong naging public servant at alam ko kung kailan ako aariba nang tuluyan,” pahayag ni Puno.

Kahit na aniyang nagpapatawa na gigil na gigil na siya kina Pokwang at Valerie Concepcion ay pinipigil niya ang kanyang sarili na magpakawala ng mga double entendre o mga may pagka-malisyosong pagbibiro.

Gayunman, kilala rin si Rico na klik sa kanyang mga tagahanga lalo na pag nagpapatawa siya.

Sa mga unang araw ng hosting ng Hitmakers sa “Pilipinas Win na Win,” kapuna-puna na lumutang si Rico sa tatlong ka-Hitmakers niya na sina Marco, Nonoy at Rey.

“Hindi naman sa lumutang. Lutang din naman sina Marco, e. Ganyan lang talaga ‘yan. Kasi, singers naman kami at hindi hosts,” paliwanag ni Puno.

“Pero mabigyan lang kami ng marami pang araw sa hosting, marami pa kaming ibubuga,” wika ng singer.

***

Sinabi ni Puno na ilang puntos lang ang lamang sa “Pilipinas Win na Win” ng mga kalaban.

“Three points lang ang lamang nila. Ayon sa mga posts, ha. At ang daming words of encouragement sa amin. Sa mga Facebook, ang gaganda ng mga comments. Keep it up daw, sabi nila. Talagang maraming suporta sa amin,” masayang pagbabalita ng mang-aawit.

Nakakuha anya sila ng fourteen points sa ratings at malaki na ito kung tutuusin, aniya.

Tinuturuan din anya niya sina Valera, Zuñiga at Sison sa pagho-host para lalo pang mahasa ang mga ito sa mga susunod na araw.

***

Ayon sa balo ni Conrad Poe na si Zeny Marcelo-Poe, masuwerte si Ynez Veneracion dahil ang aktres na ang kasintahan ni Esmael Mangudadatu, ang gobernador ng Maguindanao.

Kung noon ani Zeny ay nagrereklamo si Ynez na kesyo sinasaktan siya ng kanyang mga minamahal at sana’y hindi kasama rito si Mon Confiado, ngayon ay sitting pretty anya ang seksing bituin dahil sa pagmamahal sa kanya ng Muslim na pulitiko.

Pero pinapayuhan ni Marcelo-Poe si Veneracion na huwag maglagi sa Mindanao bagkus ay sa Maynila magtigil para iwas sa mga intriga at banta na maaaring banta rin kay Mangudadatu.

***

Dumarami ang mga kaaway ni Mariel Rodriguez.

Kung noong una ay si Toni Gonzaga lang ang kanyang nakakatarayan, ngayon ay may mapapait na kataga sina Luis Manzano, Vice Ganda at Anne Curtis laban sa kanya.

Pinagbawalan pala ni Robin Padilla si Luis noon na huwag nang yayakap o hahalik kay Mariel dahil asawa na niya ang aktres samantalang naiipit naman sa dalawang nag-uumpugang-bato si Vice dahil pareho niyang kaibigan sina Toni at Rodriguez samantalang si Anne ay tulad rin ni Ganda na kailangan ding mamangka sa dalawang ilog kahit na may nasasabi sila kay Mariel.

Paano na ang contract ni Rodriguez sa ABS-CBN at sa “Pilipinas Win na Win”?

***

Naglabas ng Temporary Restraining Order o TRO ang ABS-CBN sa pagpapalabas ng bagong programa sa telebisyon ni Willie Revillame.

Ito ay kaugnay ng mga nakasaad pa sa kontrata ni Willie sa Star Network na mapapaso pa sa Setyembre sa isang taon.

Ilulunsad ng Associated Broadcasting Corporation o ABC TV5 ang game show ni Revillame at hinahabol ito na hindi maipalabas ng Channel 2 kung saan nakalagda pa ang komedyante ng kasunduan. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply