Salpukan ng Patriots at Slammers sa ABL

Magkakaalaman  na sa Sabado kung alin sa Philippine Patriots at Thailand Slammers ang mananatili sa tuktok ng 6-team standings sa paghaharap ng walang talong team sa pagpapatuloy ng AirAsia ASEAN basketball league.

Parehong nangunguna ang Pinoy at Thailander team tangan ang 3-0 slate matapos ang kanilang huling panalo.

Dinaig ng Patriots ang Brunei Barracudas, 72-67, sa isang overtime game sa Bandar Seri Begawan sa Brunei habang tinambakan ng Thailand Slammers ang Satria Muda Britama ng Indonesia, 84-63, sa Britama Arena.

Wala pang katiyakan kung makalalaro na ang ex-PBA import na si Anthony Johnson samantalang ipaparada ng Slammers ang dating American recruit ng Patriots na top player na makakatunggali na si Jason Dixon na bumanat ng 28 puntos at 18 boards laban sa Indon team.

Nakakapit sa buntot ng Patriots at Slammers ang Singapore Slingers sa pangatlong pwesto tangan ang 2-1 slate ng patuwarin ang Kuala Lumpur Dragons sa iskor na 74-61 sa Singapore indoor stadium.

Umarangkada ang Slingers sa 11-0 abante sa unang 4 minuto sa first quarter subalit napababa ang kalamangan sa 3 points sa pagsisimula ng second half.

Bumuwelta ang Slingers sa sigasig nina import Kyle Jeffers, Marcus Skinner at ng Pinoy reinforcement  na si Leo Avenido tungo sa pagkontrol sa kalamangan 72-56.

Nagpasiklab ang mga Pinoy recruits na sina Al Vergara at Avenido sa pagdedeliber ng 8 sa 18 sa triple area para mapipilan ang Dragons.

Nanguna si Avenido sa iskoring parade sa kanyang 20 points na sinundan ng 18 ni Jeffers, 17 ni Vergara at 15 ni Skinner.

Nawalan ng saysay ang 25 points output ni import Alex Hartman at 14 puntos ng Pinoy Cager na si Rudy Linganay na kumalawit pa ng 6 rebounds. Sumadsad ang Dragons sa 0-3 slate kapantay ng inaalat na Barracudas. RT

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply