Seaman todas sa holdaper

HINDI na muling makasasampa sa barko ang 63 anyos na seaman matapos siyang barilin ng riding in tandem na tumangay sa kanyang alahas nang tangkain niyang manlaban sa Quiapo, Manila.

Kinilala ang biktimang si Alexander de Chavez, pansamantalang nanunuluyan sa 714 Granate St., Quiapo, Manila na binaril sa tagiliran ng isa sa mga holdaper.

Sa ulat ni Det. Lexter Evangelista na isinumite kay Sr. Insp. Armando Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide Section, dakong 8:15 kahapon ng umaga nang maganap ang insidente sa harapan ng  940 Bilibid Viejo sa Quiapo.

Nabatid na bumibili ng mineral water sa isang water refilling station ang biktima nang lapitan ng isa sa dala-wang lalaking magkaangkas sa motorsiklo.

Hindi makilala ang dala-wa dahil naka-helmet ang mga ito.

Agad umanong tinutukan ng kalibre .45 ang biktima at kinuha ang kanyang gintong bracelet. Hinayaan na ang mga ito ni de Chavez ngunit nang kukunin pa umano ng mga suspek ang singsing ng biktima ay nanlaban na ito na naging dahilan para paputukan siya.

Pagkaraan ng putok ay agad lumulan sa kanilang motorsiklo ang mga suspek at tumakas habang si de Chavez ay dinaluhan ng mga naroon at isinugod sa pagamutan ngunit hindi na rin naisalba. Rene Crisostomo

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply