Sila ang mga ‘waste picker,’ bow!

Iba’t iba ang tawag sa kanila. “Cartonero” sa Argentina.  “Catador” sa Brazil. “Reciclador” sa Colombia.    “Pepenador” sa Mexico.

“Zebaleen” sa Egypt.  “Ragpicker” sa India.

Sa wikang Ingles, sila ay mga “scavenger,”  “waste reclaimer,” “waste retriever,” “waste recoverer,” “waste recycler” at “waste picker.”

Sa Pilipinas, sila ang tinatawag nating mambobote, mangangariton, mangangalahig, basurero o mambubolasi na mula sa salitang “bolasi” para sa bote, lata at sibak (o matigas na plastik).

Ano man ang tawag sa kanila, sila ang 15 milyong  manggagawa sa buong mundo na masipag at matiising kinukuha ang mga bagay na maaari pang gamiting muli mula sa tone-toneladang mga panapon ng ating lipunan tulad ng papel, plastik, lata, tanso, bakal, bote at iba pang mga bagay na kapaki-pakinabang.

Ang iba sa kanila ay umiikot sa ating mga kapitbahayan bitbit ang sako, tulak ang kariton o gamit ang “pedicab.” Ang iba ay namamangka sa  mga maliliit na ilog at minsan ay sumisisid pa sa tubig at burak upang makahanap ng mga kalakal. Ang iba ay pumapanhik sa trak ng basura o doon na mismo namumulot sa mga tapunan ng basura gaya ng Pier 18 sa Tondo, Manila, Payatas sa Quezon City at Rodriguez sa lalawigan ng Rizal.

Ang anumang mahahalagang bagay na mahahanap, mapupulot o mabibili ay kanilang dinadala sa mga “junk shop” na pagkatapos ay ipagbibili naman ang  mga nabiling kalakal sa mga pabrika.

Sa maraming papaunlad na bansa, kasama ang Pilipinas, napakahalaga ang papel na ginagampanan ng mga “waste picker” kahit na sa maraming lugar ay hindi ito kinikilala, pinapangalagahan at pinasasalamatan.

Tinitipon, pinagbubukod-bukod ayon sa klase, nililinis at minsan ay pinoproseso na rin ang mga “recyclable” na nakolekta.

Sa ganitong paraan ay ibinabalik ng mga “waste picker” sa komersiyo at industriya ang mga mahahalagang materyales na kailangan ng mga pabrika upang makalikha ng iba’t ibang uri ng mga produkto.

Dahil dito ay nababawasan ang pangangailangan ng mga pabrika sa mga tinatawag na “virgin raw material” at nababawasan rin ang kaakibat na polusyon at pagkasira sa kalikasan mula sa pagtotroso, pagmimina, pagpoproseso, pagbibiyahe at iba pa.

Sadyang hindi matatawaran ang kontribusyon ng mga “waste picker” upang maibsan ang pandaigdigang problema sa nagbabagong klima kahit na buhay at kalusugan nila ang nakataya sa peligrosong gawain.

Sa Delhi, India, ang pagreresiklo ng “informal waste sector” ay nakakabawas ng 962 tonelada ng “carbon dioxide” taon-taon.

Sa Cairo, Egypt, ang recycling rate dahil sa mga “zebaleen” ay lampas 80%, laluna kung kanilang nakukolekta ang mga panapong nababulok gaya ng mga pinagkainan at iba pa.

Ang papel ng mga “waste picker” sa pangangalaga sa kalikasan at klima ay mapansin nawa ng mga gobyernong nagtitipon ngayong linggo sa Tianjin, China upang ipagpatuloy ang pag-uusap para sa kinakailangang kasunduan at plano hinggil sa pagbabago ng klima.

Itaguyod nawa nila ang “Zero Waste,” kasama ang “recycling,” “composting” at iba pa, bilang isa sa pinakamadaling solusyon sa krisis pangklima at  hindi ang mga magagastos at mapang-aksayang
tekholohiya gaya ng gasification, pyrolysis at iba pang klase ng “incinerator.”

Sa mga grupo ng “waste picker” na nasa Tianjin ngayon, katuwang ang Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA), salamat po at mabuhay kayo! Manny C. Calonzo

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply