Sobrang pahirap sa lahat ang toll hike

MUKHANG oki lang kay PNoy ang pagtataas ng toll sa lahat ng mga superhaywey sa repablik ni Juan.

Siyempre pa, kasama na ang kanyang mga tsuwariwap sa pag-oki rito.

Namber wan kasi na dahilan nila, aminin man nila o hindi, eh, habang mas mataas ang toll, mas malaki ang makokolekta nilang buwis sa mga operator o may prangkisa sa mga ito.

Magkakapera ang gobyerno at ang mga onorabol sa buwis.

Pati ang Korte Suprema, Suki, ay oki rin.

May palusot o pakonsuwelo de bobo naman ang mga onorabol na ito.

Kitang-kita umano ang ginhawa sa pagbibiyahe sa mga wold klas na hawywey.

Para naman kay Juan, grabe yang pagtataas ng mga toll.

Pag manggaling ka nga naman sa Subic, Zambales papuntang Batangas, sunod-sunod na kamalasan ang iyong aabutin.

Dadaanan mo ang mga doble o tripleng bayarin sa paggamit ng mga haywey.

Dadaanan mo ang Subic-Clark-Tarlac Expressway, pagkatapos ay papasok ka naman sa North Luzon Expressway at makaraan mong madaanan ang EDSA o C5, papasok ka naman sa South Luzon Expressway na karugtong ng Southern Tagalog Arterial Road.

Pagbalik mo, maaaring daaran ka sa Coastal Road.

Lahat, Suki, ay mabubutasan ng bulsa sa pagdaan mo sa lahat ng mga kalsadang nabanggit.

Maging ang EDSA at C5  na walang toll ay magastos din sa dami ng mga nanghuhuli para lang makakomisyon sila mula sa mga “multa” na kapatapat umano ng iyong mga traffic violation.

Pinakahuling humiling ng tripleng pagtataas ng toll ang isang bahagi ng South Luzon Expressway at nakasumite na rin ang iba pa ng mga petisyon para sa mga karagdagang toll hike din.

Kung mapagbibigyan ang lahat ng ito, hindi talaga masusukat ang paghihirap na mararanasan ng lahat ng mga motorista at lahi ni Juan.

Tiyak yan, Suki.

oOo

Sa isang banda, nauunawaan natin na kailangang makabawi ang mga operator o may prangkisa sa malalaking puhunang ibinubuhos nila sa paggawa sa mga kalsada.

Kaya lang, Suki, talaga bang ganun ang ginastos nila sa paggawa ng mga kalsada?

Por eksampol yang magtataas sa SLEX, bakit nagdoble ang gastos mula sa P8 bilyon lamang, huh?

Wala bang halong kalokohan diyan?

Nakasusuka kasing isipin na pinaggawa ang mga kalsadang yan sa panahon na nagdodoble ang presyo ng mga kontrata sa katulad ng mga proyekto dahil sa tongpats.

Hindi ba kasama sa mga binabawi ng mga negosyante ang mga tongpats na pinupuwersa sa kanila ng mga mandarambong sa pamahalaan?

At nakakikilabot isiping binibigyan ng mga onorabol ng 30 taong prangkisa ang mga konsesyonaryo o may-ari ng mga superhaywey para makabawi umano sila kahit na alam ng mga insider diyan na sa loob lang ng 5-10 taon ay bawing-bawi na ang mga yan.

oOo

PNoy, kung totoo na boss ninyo si Juan, timbangin ninyo ang interes ni Juan at paghahabulin naman ninyo ang mga mandarambong.

Hindi basta na lang tanggapin ninyong ligal na ligal ang lahat ng transaksyon diyan. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply