Taktikang PNoy…

Kabi-kabila ang batikos na tinanggap ng programa ng gobyerno tungkol sa ‘conditional cash transfer’ o CCT.  Ang CCT ay yung nagbibigay ng cash incentives sa mga pinakamahihirap daw na mga mamamayang Pilipino.

Ang duda ng mga kumukontra dito ay ang paraan ng pagtukoy sa mga pinakamahihirap nating mga kababayan at kung paano makakarating sa kanila ang mga financial cash incentives na ito, kung makakarating man.

Ang pagdududa ay nanggagaling sa mga taong nag-iisip na magagamit kasi ang CCT na pamulitika.Kung kaibigan ka, may incentive ka, at kung malayo ka sa kusina, wala, kahit pa mas karapat-dapat kang tumanggap ng cash incentives na ito.

Ang iba pang batikos ay limos daw kasi ang CCT, at hindi limos kundi tunay na tulong mula sa pamahalaan ang kailangan ng ating mga mahihirap na kababayan. Kinopya lang daw ang programa sa pamahalaang Arroyo pero di hamak na mas malaki ang badyet na ibinigay ng Aquino government sa CCT program.

Mas konti ang pabor sa programa ng CCT at, ayon sa ilan, kaya lang daw ito nagiging katanggap-tangap ay dahil sa mataas na trust rating ng Pangulong Noynoy Aquino na harapang sinusuportahan ang nasabing program.

Sa huling survey, bumaba man sa 77%  ang trust rating ni PNoy mataas pa rin ito kung ikukumpara sa mga naunang gobyerno.  Kapangyarihan ang tiwalang ito na ibinigigay ng tao sa Pangulo. Kung lalaruin ni PNoy ng maayos ang kanyang mga baraha, maisusulong nya ang lahat ng gusto nyang programa na walang balakid dahil suportado sya ng bayan.  Dahil sa kanyang mataas na trust rating sino ba naman ang may tapang na kwestyunin ang gusto ni PNoy na totoo namang patuloy na pinagkakatiwalaan ng taong-bayan.

Sa ulat sa bayan ng Pangulo sa kanyang unang isang daang taon sa pwesto, kasama ang CCT sa mga programang kanyang inihayag na halatang todo nyang sinusuportahan.

Ang taktika ng pagsugpo sa korapsyon ang pinagpupursigihan ng administrasyon ni Aquino, dahil siguro iniisip ng mga advisers ng Pangulo na ito ay isyu na malapit sa puso nating mga Pilipino.  Mukhang gumagana ang taktikang ito dahil nga sa patuloy na mataas na trust rating ni PNoy.

Mabuti na nag-i-invest ng panahon at pera si Aquino sa mga taktikang magpapatuloy ng kanyang mataas na trust rating, pero sa huli ang tagumpay ng isang programa ay susukatin pa rin sa kung gaano karami ang mga mahihirap na Pilipino ang matutulungan ng pamahalaang Aquino.

Ang tiwala ay maghahanap din ng sukatan at ang magiging paghuhusga ng tao ay iba-base pa rin kung paano tutuparin ni Aquino ang kanyang mga binitiwang pangako sa sambayanang Pilipino.
Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com.

Hindi talaga nakakakita at kikita ang titingin-tingin lang…Atty. Ariel Enrile-Inton

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply