Vendor patay sa bala, 1 pa sugatan

PATAY ang isang vendor nang barilin ng hindi nakilalang lalaki at nasugatan naman sa hita ang isa pa, kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.

Nakilala ang biktima sa alyas “Tangkad”, nasa 25 hanggang 28 anyos, may taas na 5’7, maitim, cigarette vendor, at walang permanenteng tirahan.

Nasugatan naman si Violeta Batayola, 25, pipi at bingi, vendor, naninirahan sa 623 P. Herrera st., Tondo, kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Hospital.

Mabilis na tumakas ang hindi nakilalang suspek sakay ng minamaneho nitong pedicab.

Ayon sa ulat ni SPO2 Edgardo Co, dakong 2:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa Ilaya st., sa harap ng Solis Mansion at Loving Bakeshop.

Biglang sumulpot ang suspek at binaril ng malapitan ang biktima dahilan naman upang madamay at masugatan si Batayola.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek at isinugod naman sa pagamutan ang dalawa subalit hindi na umabot pang buhay si alyas Tangkad.

Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pangyayari at inaalam din ang pagkakilanlan ng salarin. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply