Willie Revillame, balik-telebisyon bukas

MULING masisilayan si Willie Revillame simula bukas, Sabado, Oktubre 23. Hudyat ng kanyang pagbabalik ang pagsisimula naman ng pinakaaabangang palabas na “Willing Willie” sa TV5.

Mapapatalon ka sa tuwa habang napapaindak sa ligaya sa mga bagong pakulo ng palabas. Mula sa hindi matatawarang husay at karisma sa pagho-host, ihahatid ni Willie ang kauna-unahang daily game show ng Kapatid Network. Hindi rin papaawat ang nagseseksihang dancers na hahataw sa dancefloor ng hi-tech set ng “Willing Willie.”

Mapapanood Lunes hanggang Biyernes 6:30-8:30p.m. at Sabado 5-7p.m., mayayanig ang Philippine TV sa pagsisimula ng “Willing Willie” sa primetime block na dinodomina ng newscast. Ayon pa kay Willie, “Pagpatak ng oras ng hapunan, mas dapat bigyang-diin ang bonding ng pamilya. Imbes na masasamang balita, mas masarap lahukan ng saya at palaro ang bawat tahanan sa ganitong oras.”

“Tuloy ang saya. Tuloy ang pag-asa!” sa pagsisimula ng mga pinakabagong segment na kagigiliwan ng mga Pilipino. Maghanda na sa “123 Go!” kung saan 50 studio audience ang may pagkakataong sumagot sa mga trivia question na maaaring sagutin ng 1, 2 o 3. Samantala, lolobo ko sa katatawa sa “Family Apir.” Sa larong ito, pabilisang papuputukin ng mga pamilyang may apat na miyembro ang sampung lobo. Nakakalulang papremyo naman ang hatid ng “Spin a Wil,” ang finalé game kung saan maaaring manalo ng bagong kotse, lupa’t bahay at isang milyong piso!

Paikutin ang swerte sa pamamagitan ng pag-ikot ng tatlong beses sa roleta. Kapag nabuo ang W-I-L sa tatlong ikutan, maiuuwi na ang lahat ng papremyo!

Maantig sa mga kwentong magbibigay-inspirasyon sa “Wiltime Bigtime.” Bibigyang-tinig ng programa ang mga kwento mula sa mga basurero, labandera, sekyu, estudyante, guro, tindero at iba pa. Samahan silang lumuha at lumigaya hanggang maabot nila ang mga papremyong inihanda ng programa para sa kanila.

Isasalamin ng programa ang saloobin ng bawat Pilipino kasama si Willie. Abangan ang “Willing Willie” sa Oktubre 23, Sabado 5-7p.m., at simula Lunes hanggang Biyernes, 6:30-8:30 p.m. sa TV5. Emcee Diao

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply