‘Zombasura’

Sa nalalapit na paggunita sa Araw ng mga Patay ay kakaibang bida ang ating makakasalamuha sa mga sementeryo, pribado man ito o pampubliko.

Sila ang mga “Zombasura” o mga “zombie” na bigay-hilig sa pag-aaksaya, pagkakalat at pagtatapon kaya naman nabansagang “Zombasura.”

Sa unang tingin ay hindi sila kasindak-sindak.  Mga ordinaryong tao rin naman sila.  May idad na, kabataan o paslit pa.  Mga babae at mga lalaki.  Mga may magagarang gamit o wala.  Mga tinatawag na edukado o hindi.

Baka nga isa rin tayo sa mga “Zombasurang” lumilitaw  tuwing  Undas”?

Ikaw ba yung matiyagang naglilinis ng puntod ng mga mahal na kaanak na pagkatapos ay itatambak kung saan o susunugin ang mga pinaglinisan?

Ikaw ba yung sandamakmak ang mga iniiwang basura sa sementeryo mula sa mga baon o biniling pagkain at inumin?

Ikaw ba yung isa sa dahilan kung bakit noong 2009 ay anim na trak ang kinailangan upang hakutin ang mga basura mula sa Manila North Cemetery.

Ikaw ba yung “Zombasura” na kalat dito, tapon doon, walang pakialam at pagmamalasakit sa kapaligiran, laluna sa himlayan ng ating mga mahal na namayapa na?

Sa ating asal “Zombasura” ay ginagawa nating tambakan ang sementeryo ng mga upos ng sigarilyo, mga basurang plastik at sari-saring mga pinagbalutan ng pagkain tuwing Nobyembre 1.  Subukan mong bumalik kinabukasan at masasaksihan mo ang mga mumunting “Payatas” at “Smokey Mountain” sa loob ng sementeryo.

Kung tutuusin nga ay baka malinis-linis pa at sariwa-sariwa ang simoy ng hangin doon sa sementeryo bago natin ito lusubin at kubkubin sa ngalan ng pagala-ala sa ating mga patay.

Kung sawa ka na sa pagiging “Zombasura” ay pagsumikapan mo na panagutan ang bawat panapon mo gaano man kaliit ito.  Magdala ng sariling lalagyan para sa mga panapon at iuwi ito para sa maayos na pagbubukod, pagko-compost at paggamit muli.

Para mapaliit ang kantidad ng iyong mga panapon, mangyaring magbitbit lamang ng sapat na kakailanganin sa sementeryo (sapat na malinis na kandila, sapat na sariwa at lokal na bulaklak, sapat na pamatid-gutom, sapat na pang-alis ng uhaw).

Magdala na rin ng inuming tubig sa “water jug” upang hindi na bumili pa ng “bottled water” na pagkatapos ay ihahagis sa basurahan o kaya’y sa lansangan.

Ilagay ang anumang dadalhin at bibilhin sa bayong o anumang “reusable bag.”  Ugaliing tanggihan ang paggamit ng plastic bag na kinalaunan ay magiging basura rin.

Para sa “waste-free meal,” gumamit ng mga sisidlan at kagamitan sa pagkain na maaaring hugasan at linisin para magamit muli.  Iwasan ang mga isahang-gamit na supot, balot, Styrofoam, kutsara at tinidor. Iwasan rin ang mga “junk food” na lumilikha rin ng maraming basura.

Sa darating na Undas, “Zombasura” ka pa rin ba? Manny C. Calonzo

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply