‘Pilipinas Kay Dumi’ akmang slogan ng DOT

HINDI “Pilipinas Kay Ganda” kundi “Pilipinas Kay Pangit” o “Pilipinas Kay Dumi.”

Ito ang akmang gamiting slogan ng Department of Tourism (DOT) ayon sa EcoWaste Coalition kung hindi masusulusyunan ng gobyerno ang nagtambak na kalat sa kapaligiran.

Pinuna ni Roy Alvarez, lider ng grupo, ang umano’y kawalan ng sapat na atensyon ng gobyerno sa pangangalaga sa kalikasan na isang importanteng aspeto sa pagpapaunlad ng turismo sa bansa.

“Our tourism authorities seem to have not noticed the ubiquitous litter making our country unappealing for visitors searching for exceptional places to see, relax and enjoy,” ani Alvarez sa isang pahayag kamakailan.

“For sure, these unsightly sites will not leave positive memories in the hearts and minds of our guests,” dagdag pa niya.

Umani ng batikos ang campaign slogan ng DOT na “Pilipinas Kay Ganda” matapos itong ilunsad ng ahensiya nitong Lunes, kapalit ng dating slogan na “WOW Philippines.”

Anang mga kritiko, tiyak na hindi maiintindihan ng mga dayuhang turista ang bagong slogan.

Ngunit ayon naman kay DOT Secretary Alberto Lim, ang slogan ay maaaring ihalintulad sa “Aloha” ng Hawaii na kalauna’y naintindihan din ng mga dayuhan kung ano ang ibig sabihin.

Samantala, ayon pa rin sa EcoWaste Coalition, di lamang dapat sa turismo nakatuon ang atensiyon ng DOT kundi sa commitment sa pag-aalaga ng kalikasan.

Ayon kay Alvarez, dapat na lagyan ng DOT ang campaign logo nito ng “chasing arrows” na siyang pandaigdigang simbolo ng recycling.

Ito aniya ang isa sa mga tanda na seryoso ang gobyerno sa  waste reduction at prevention.

Nitong nakaraang Agosto, hiniling ng grupo ni Alvarez sa departamento na ipatupad ang DOT Memorandum Circular No. 2005-04, “declaring zero tourism waste as a goal and direction for sustainable tourism and development.”

Nakasaad pa sa nasabing kautusan na, “Tourism establishments and facilities generate significant volume of waste that can be considerably reduced to zero if a policy on waste prevention, reduction, separation at source, recycling and composting is put in place and genuinely carried out.”

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply