2 wanted na holdaper laglag sa parak

DALAWANG wanted sa kasong panghoholdap  ang nadakip ng mga elemento ng Malabon City PNP, sa Malabon City.

Kinilala ng Malabon PNP ang mga nadakip na sina Gilbert  Gador, 30 anyos, walang trabaho, nakatira sa Building 19, Vitas, Tondo, Maynila; at Richard Tonelete, 35 anyos, walang trabaho, nakatira sa 258 C. Arellano st., Brgy. Baritan, Malabon.

Base sa imbestigasyon ni PO3 Robert Miclat, dakong 1:30 ng hapon nang madakip ang mga suspek  sa Flores st., Brgy. Flores, ng nasabing lungsod.

Napag-alaman na nagpapatrolya ang mga elemento ng SIDMB/Follow-up unit at PCP-5 ng Malabon City Police Station sa pangunguna ni Chief Insp. Estelito Peniano Jr., nang mapansin ang mga suspek na kapwa nakasakay sa isang Honda TMX motorcycle, kulay itim, may plakang UY-1909, na pawang walang helmet at paikot-ikot sa naturang barangay.

Namukhaan agad nila ang mga suspek na sinasabing dating sangkot sa mga sunod-sunod na insidente ng holdapan.

Mabilis na hinabol ng mga awtoridad ang mga suspek hanggang sa bumagsak ang motorsiklo, dahilan para madakip ang mga ito.

Nakumpiska sa pag-iingat ni Tonelete ang isang kutsillyo habang nakumpiska naman kay Gador ang isang Cal. 357 na paltik na may anim na bala. Jun Samson

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply