21 OFWs nasagip sa illegal recruiter sa Malaysia

Tumanggap ng maagang pamasko ang 21 Overseas Filipino Workers (OFWs) kasama ang limang paslit matapos silang makauwi ng Pilipinas sa tulong ng Sagip OFW program ni Sen. Manny Villar.

Sakay ng Cebu Pacific Flight No. 5J 502 mulang Malaysia, dumating ang mga OFWs dakong alas-5:00 ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport nitong Nobyembre 12, 2010.

Sinabi ni Villar na biktima ng illegal recruitment ang halos lahat ng OFWs habang ang ilan naman ay naengganyo lamang ng kakilala na magtungo sa Malaysia bilang turista kapalit ng pangakong tutulungan na makahanap ng trabaho.

Naging emosyunal din ang pagsasalo-salo sa almusal ng mga OFW at kanilang kamag-anak sa isang restaurant sa Macapagal Boulevard kung saan nakasama nila ang senador.

“Gaya po ng sinabi natin dati, hindi man tayo palarin na pamunuan ang bansa hindi po tayo hihinto sa pagtulong sa mga kababayan natin na nangangailangan ng tulong,” patungkol ni Villar sa kanyang naging pahayag matapos lumabas ang resulta ng May 2010 presidential elections.

Nakilala ang mga biktima na sina Johnny Sinaban, 22 (Quirino, Isabela); Romy Daligdig, 29 (Tanza, Cavite); Dennis Peralta, 29 (Quirino, Ilocos Sur);  Ronaldo Closa, 34 (Saguday, Quirino); Jores Palma, 24 (San Jacinto, Pangasinan); Miriam Estenor, 38 (Talisay, Cebu); Melanie Fabrigas, 26 (Rosales, Pangasinan);  Rolando Fernandez, 38 (Leloy, Zamboanga del Norte);Estella Joseco, 39 (Caloocan City); Ernesto Linocon, 45 (San Isidro, Davao Oriental); Manuel Natividad, 41(Tagum, Davao del Norte);  Artemio Valuz, 52 (Binangonan, Rizal); Irene Valuz, 24 (Binangonan, Rizal); Emma Aronce (Binondo, Manila), 45; Jessette Bacani, 28 (Quezon City); Juvy Quinlat, 44 (Dingle, Iloilo); Ma. Arlene Santillan, 34; Mokrim Marwan, 28 (Sumisip, Basilan); Gemma Tegerro, 41 (Dasmarinas, Cavite); Mimi Marie Lozada, 35 (Ballesteros, Cagayan Valley); at Ramon Sto. Domingo, 47 (Cardona, Rizal).

“Patuloy po ang Sagip OFW sa pagtanggap ng tawag at pag-aalay ng serbisyo kasama ang ibang ahensya ng ating pamahalaan para mapabilis ang pag-uwi ng mga OFW na matagal nang naghihintay na makauwi ng bansa,” idinagdag ng senador. ( Ernie Reyes)

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply