3 bulkan lamang ba ang dapat bantayan?

MAG-INGAT at magbantay sa tatlong bulkan – Bulusan, Mayon at Taal.

Ito ang sinasabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology makaraang biglaang pumutok ang Mt.  Bulusan simula noong umaga ng Sabado.

Ang bulkang Bulusan at Mayon ay nasa Kabikulan samantalang nasa Timog Katagalugan, sa Batangas, ang bulkang Taal.

Ayon sa Phivolcs, bagama’t hindi pa maituturing na delikado kay Juan ang bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon, maganda na ring magbantay at mag-ingat ang mga tagaroon. Isama na ring pag-ingatan umano ang bulkang Mayon na walang tigil sa kabubuga ng usok dahil sa buhay na buhay nga ito.

Ang bulkang Taal naman sa Batangas ay karaniwang tumataas-baba o kumukulo ang laman ng bunganga nito na palatandaan ng maaaring pagputok din nito.

oOo

Hindi man sinasabi ng Phivolcs, maaaring matulad ang mga bulkang Bulusan, Mayon at Taal sa mga 21 bulkan sa Indonesia na inaantay ang pagputok. Sa ngayon, ang pang-22 na Mt. Merapi lang ang sumasabog at pumatay na ito ng kulang-kulang sa 200 katao.

Ayon sa ilang eksperto sa galaw ng mga bulkan, posibleng sunod-sunod o sabay-sabay na pumutok ang mga bulkan kung magkalapit sila sa isa’t isa gaya sa Indonesia. Eh, magkakalapit nga naman ang mga bulkang Bulusan, Mayon at Taal.

Anong malay natin na sa kalaliman ng lupa, magkakarugtong ang mga bituka ng mga ito at kung magluluwa sila ng mga apoy, putik, bato at abo ay posibleng magkasunod-sunod o sabay-sabay?

Ang babala ng Phivolcs ay maiging sundin.  Pero dapat na sabayan ito ng Phivolcs ng malalimang pag-aaral sa galaw ng tatlong bulkan para  maging mabisa ang babala.

Sila sa Phivolcs ang pag-asa nating makapagbibigay ng hudyat para sa ating kaligtasan.

oOo

Paano nga pala ang mga lindol sa ibang mga bahagi ng repablik ni Juan na palatandaan ng pagiging buhay ng mga bulkan?

Ang Mindanao ay laging nililindol at ang Ilocos at Batanes ay nililindol din. Kahapon nilindol din ang Mindoro.

May mga bulkan din bang dapat na pag-ingatan sa mga lugar na ito, huh?

Nais ni Juan na makarinig mula sa Phivolcs ukol sa mga ito. Ayaw niyang basta sabihin lang ng Phivolcs na hindi naman delikado ang mga lindol dahil mahihina lang ang mga ito.

May katwiran si Juan lalo’t biglang pumutok ang bulkang Bulusan makaraan ng kung ilang lindol sa Kabikulan.

Paano kung mangyari ito sa mga lugar na maya’t maya aty nililindol, huh?

oOo

Ispiking op Phivolcs, minsan nang sinabi ng mga namumuno rito na lumalayas ang mga geologists nito at nangingibang bansa.

Ang mga dinedebelop nilang mga inhinyero upang maging magaling sa pagdama ng mga lindol ay lumalayas dahil sa patay-gutom na sahod sa ahensiya.

In short, kulang na kulang ang tauhan ng Phivolcs. Dahil sa napakadelikado ang mga lindol, dapat na bigyang-pansin mga kinauukulan ang kakapusan ng manpower o tauhan ng Phivolcs.

Dapat na buhusan ang Phivolcs ng pondo upang mapaunlad nito ang sarili para na rin sa ating kaligtasan bilang isang bansa mula sa mga nagkalat na bulkan sa atin.

Sadyang mahalaga ang Phivolcs sa pambansa nating buhay at dapat mapangalaan ito na tahanang ng ating mga tagapagligtas sa sakuna sa mga lindol, bulkan at tsunami. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply