7 suspek sa pagpatay itinuro ng CCTV

Dahil sa Circuit Camera Television (CCTV) naaresto ng mga awtoridad ang pito sa walong suspek na napagtripang bugbugin at pagsasaksakin ang isang lalaki na napadaan sa nag-iinuman, kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Ang mga naaresto ay kinilala ni Pasay City Police Chief Supt. Napoleon Caton na sina Butch Ordona, 43, ng 121 M. Acosta st., Brgy. 77; Joel Lacuna, 39, ng 119 M. Acosta st.; Dante Simeon, 40, ng 123 M. Acosta st.; Melvin Deanzon, 27, ng 126 M. Acosta st.; Dennis Fastidiio, 38, ng 121 M. Acosta st.; Richie Sengil, 28, at isang menor de edad na pinangalanan sa alyas Jun, 16, ng  119 M. Acosta st., ng nasabi pa ring lungsod.

Samantala nakatakas naman ang isang kasama ng mga suspek na kinilala sa pangalang Cesar Cuevas, alyas “Tabo”, residente rin ng nabanggit na lugar.

Batay sa ulat ni SPO1 Cris Gabutin, ang insidente ay naganap dakong alas-2:00 ng madaling araw, nang mapadaan ang biktimang si Nicomedes Ramos, 40, residente ng 126 Maginhawa st., sa grupo ng mga suspek na nag-iinuman.

Nadaanan din ng biktima ang kanyang mga kaibigan na nagkataong nag-iinuman may ilang metro ang layo sa grupo ng mga suspek sa ginawang pag-alok ng mga kaibigan, pinaunlakan ito ng una bago umalis papalayo.

Napadaan ang biktima sa mga suspek at inalok din siya para uminom pero tinanggihan nito na ikina-inis ng nasabing grupo.

Dahil inakalang nainsulto sa pag-alok, agad na pinagtulungan bugbugin, pinagpapalo ng bato sa ulo at pinagsasaksak sa katawan hanggang mapatay ang biktima.

Unang naaresto ang mga suspek pero pinalaya dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya. Sa pagsusuri sa lugar na pinangyarihan ng krimen, nakita ni Chief Inspector Joey Gofort ang nakakabit na CCTV sa isang poste.

Nang panoorin ang nilalaman ng CCTV nakita ang partisipasyon ng mga suspek sa insidente at muling dinakip ang mga ito para sampahan ng kaukulang kaso. (Johnny Arasga)

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply