Ala-ala ng Maguindanao massacre huwag kalimutan

NGAYONG araw, Nobyembre 23, ang unang taong anibersaryo ng kamatayan ng may 32  mga kapatid namin sa trabaho na napabilang sa mga biktima na walang-awang  kinitilan ng buhay sa Maguindanao dahil lamang sa kapritsong pulitikal ng isang mapang-abusong angkan sa lalawigan.

Hanggang ngayon, sampu ng aking mga kasamahan sa National Press Club of the Philippines (NPC), ay walang tigil na naghahanap pa rin ng hustisya para sa mga kapatid namin sa hanapbuhay na napabilang sa massacre na ito.

Narito pa rin sa aming puso ang labis na pagkapoot, pagkamuhi at pagkondena sa insidenteng ito na kinilala sa buong mundo bilang pinakagrabeng pagyapak at pagyurak sa karapatan at kalayaan ng pamamamahayag.

Gayun na rin sa karapatan ng ilan pang mga biktima – kasama na ang asawa at kaanak ni Ismael Mangudadatu na ngayo’y gobernador na ng nasabing lalawigan.

Marami ang nagsabi na mismong ang masaker na ito – at hindi ang karisma o kagalingan sa pulitika ni Mangudadatu – ang naglagay sa kanya sa kasalukuyang puwesto. Bagay na iminumungkahi ng ilan ng magkaroon ng bantayog sa kapitolyo ng lalawigan na sumisimbolo sa krimeng ito.

Panalangin namin hanggang ngayon na mapabilis ang daloy ng hustisya para sa mga kapatid namin sa hanapbuhay na kabilang sa mga biktima ng “Maguindanao massacre.” Ganun din sa iba pa na naging biktima din ng karahasan at hanggang ngayo’y humihingi ng hustisya.

Sa susunod na buwan, dalawang beses na sa isang linggo ang mga gagawing pagdinig sa kaso upang mapabilis daw ang paglutas.

Sa ngayon, mahigit sa isang-daan pang mga suspek ang tinutugis ng mga awtoridad habang pulo-pulutong naman ng mga testigo ng magkabilang panig ang patuloy na humaharap sa korte.

Kaya’t may pangamba na maaaring abutin ng mahabang panahon bago malutas ang “Maguindanao Massacre.” Maaaring sing-haba ng panahon ng paghahari-harian ng angkan ng mga Ampatuan na mismong hinihinalang “utak” sa krimeng ito.

Kabilang iyan sa mga nagbibigay sa amin ng galit sa dibdib na lalong nagpapa-apoy sa aming damdamin upang ipanatili ang katotohanan sa larangan ng pamamamahayag.

Kaya nga’t patuloy kaming tututok sa kasong ito. Lalo pa’t nakikita namin sa mga pagdinig ang nakangising mukha ng pangunahing suspek sa krimeng ito na si Andal Ampatuan Jr.

Ngayong gabi, sabayan n’yo kami sa pagsisindi ng kandila bilang paggunita sa kalunos-lunos na krimeng ito.

Naroon rin ang aming dalangin na magsilbi ang ilaw ng mga kandila bilang gabay sa liwanag na dapat patunguhan ng kasong ito!

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Basahin ang buong artikulo sa www.remate. ph. Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply