Ampatuan may mga galamay pa rin sa Maguindanao — Gov. Mangudadatu

TINATAYANG may 600 pa umano ang mga galamay ng pamilya Ampatuan na nasa Maguindanao.

Ito ang kinumpirma ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu sa harap na rin ng mga ulat na nabubuhay pa rin umano sa takot ang mga naninirahan sa lalawigan kahit nakakulong na ang ilang miyembro ng angkan na itinuturong sangkot sa Maguindanao massacre.

Batay sa panayam ng DZMM, sinabi ni Mangudadatu na tinataya na sa walong bayan pa nakakalat ang mga galamay ng mga Ampatuan at ang pagtatalaga lamang ng militar ang pumipigil sa kanilang maghasik ng pananakot at karahasan.

Ginagawa aniyang buffer zone ng mga natitirang tauhan ng mga Ampatuan ang mga kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaya nahihirapan silang habulin ng militar.

Hiniling naman ni Mangudadatu kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at sa militar na hulihin ang mga galamay ng mga Ampatuan kahit saan pumuntang lugar.

Kaugnay nito, posibleng manatili ang pag-iral ng State of Emergency sa Maguindanao hanggang Disyembre.

Sinabi ni Mangudadatu na batay ito sa naging pakikipagpulong sa kaniya ni Pangulo Aquino kamakailan sa Metro Manila.

Dagdag pa ni Mangudadatu na tinanong sa kaniya sa pulong kung maari nang tanggalin o hindi pa ang deklarasyon ng State of Emergency sa lalawigan kung saan sumagot naman siya na pareho lang ang sitwasyon kung wala o merong State of Emergency basta’t ang importante, manatili ang deployment ng militar at pulisya.

Binanggit naman ni Mangudadatu na sinisikap makaahon ng mga residente ng Maguindanao at sa ngayo’y masaya naman ang mga mamamayan dahil may tinatamasang demokrasya sa kanilang lugar.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply