Ang dalawang Korea

Suki ako sa isang Korean convenience store along Timog Avenue sa Quezon City. Palagi kaming pumupunta at namimili doon dahil paborito ko at ng mga anak ko ang Korean ice cream, chocolates at mga energy drinks.

May aktibong relasyon ang mga Pilipino at mga Koreano. Maraming Pinoy ang mahilig manuod ng Korean  telanovela at may mga Korean stars ang nag-hosts na sa mga Pilipino variety shows.

May teen idol na Koreana na lubhang sinuportahan ng mga Pilipino. Marami na rin na mga Korean stars ang nagperform sa mga concert dito sa Pilipinas.

Maraming OFW sa Korea at marami ding mga Koreano na pinili nang manirahan dito sa Pilipinas bilang mga negosyante at maging mga estudyante. Kaya kahit milya-milya ang layo ng Korea sa Pilipinas nakababahala sa ating mga Pilipino ang kasalukuyang nangyayaring gulo sa pagitan ng dalawang Korea – ang South at ang North Korea.

Matagal nang naggigirian ang dalawang magkahiwalay na parteng ito ng iisang bansa ng Korea.  Noong katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII) ang Korea ay hinati sa dalawa ng isang military boundary na tinatawag na 38th Parallel latitude kung saan ang naging usapan pagkatapos ng pandaigdigang giyera ay ang pagsuko ng  Japan sa Russia sa North Korea at ang pagsuko naman ng Japan sa America sa South Korea.

Parehong independent ang dalawang Korea ngayon pero hati sa dalawa ang iisang bansa.  Hindi miminsang nagkainitan ang dalawang Korea pagkatapos ng World War II at ngayon nga ay mainit na naman ang girian doon.

May mga matatapang na palitan ng salita at mga banta ng mga missiles attack.  Lumikas na ang maraming residente mula sa mata ng nag-uumpisa na naman na gulo at ang buong mundo ay nakatutok sa Korea.

Para sa akin ang dapat na mga salitang binibitiwan ng kahit sinong pinuno ng anong bansa ay ang pagnanais na malutas kung ano man ang dahilan ng kasalukuyang initan ng dalawang Korea. Sana ay hindi na mauwi sa digmaan dahil sa huli ay walang laging nananalo dahil parehong mga Koreano ang naglalaban.

Nakakalungkot isipin ang sitwasyon sa Korea. Kung ang ibang bansa ay nakabangon na at marahil ay nailibing na sa limot ang epekto ng WWII, ang kasalukuyang hidwaan at pulitikal na sitwasyon sa Korea ay bunga at epekto pa rin ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

May ibang mga bansa ang nagkamayan na at nagpapalitan na ngayon ng kalakal at mga economic activity kahit na naging magkaaway noong WWII, pero ang mga North Korean na may mga kamag-anak, kaibigan at mga mahal sa buhay na mga South Korean ay patuloy na nagdudusa.

Sila na iisang bansa na pinaghiwalay lang ng magkaibang pulitikal na paniniwala.  Sana matapos na ang hidwaan sa Korea.  Sana huwag nang magka-giyera ang dalawang parte na ito ng iisang bansa.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Ariel Inton

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply