Ang iniwan ng mga patay

Umaangal na ang ilang mga pari dahil hindi na daw tama ang paggunita ng maraming mga Katoliko sa araw ng mga kaluluwa o araw ng mga patay.  Mas sikat pa daw na Halloween kapag Nov. 2, isang kultura sa ibang bansa, kaysa araw ng paggunita sa mga yumao nating mga mahal sa buhay.

Nagkaraoon na nga ng iba’t ibang paraan ng paggunita ng All Souls’ Day ang mga Pilipino.  Madalas sa araw na ito maraming naglalabasang mga pelikula at mga programa sa TV na tungkol sa mga aswang at mga maligno, mga nakakatakot na mga kwento na siguro na konekta na lang ng marami sa atin dahil sa araw ng mga patay ay pumupunta tayo sa mga sementeryo.

Iba na rin ang sistema sa mga sementeryo ngayon. Parang tourist destination na dahil marami ang nag-aabang sa mga puntod ng mga sikat na artista para makita ang mga artista ding dumadalaw sa mga puntod.

Parang sa puntod ng dating Pangulong Cory Aquino at ni Ninoy Aquino, October 31 pa lang ang dami nang tambay. Nagpi-picture taking sa puntod at nag-aabang sa mga kung sinong mga sikat na personalidad ang dadalaw.

May mga enterprising na mga negosyante din ang nagsamantala sa pagdagsa ng maraming tao sa sementeryo, ginamit ang pagkakataon para i-promote ang kanilang mga produkto tulad ng mga nagtitinda ng memorial plans.  May mga sales personnel sila na tumayo sa mga naka-display na kabaong para makuha ang atensyon ng mga tao at makaisip bumili ng mga memorial plans o yung mga plano sa paghahanda kapag may namatay sa pamilya.

Iba’t ibang paraan ng paggunita sa Nov. 1 and 2 bilang Alls Saints Day at All Souls Day.  Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng Araw ng mga Patay sa ating mga Buhay.

At least sa mga naniniwala na may kabilang buhay pagkatapos ng dito sa daigdig, ang araw na ito ay paalala na ang lahat ay may hangganan sa mundo at isang araw lahat ng tao ay mamamatay.  Ang pag-alala sa mga namatay ay pag-alala ng aral na naiwan nila sa ating mga buhay at ang mga aral na ito ay dapat magkaroon ng epekto sa patuloy pa nating pagtigil dito sa daigdig hanggang dumating na ang sandali na tayo naman ang mamamatay at dadalawin ng mga kamag-anak nating buhay.

Hindi dapat sinasayang ang simbolo ng Araw ng mga Patay. Dapat sa panahong ito ay nagmumuni-muni tayo.

Hindi ba natin sinasayang ang araw natin sa mundo? Ginagawa ba natin ang dapat, ang lahat ng gusto natin, ang mga bagay  na makabubuti sa atin at sa ating pamilya habang tayo ay buhay pa? Dahil pag tapos na ang lahat ang tanong ay ano? May maiiwan ba tayong mabuting aral sa mga buhay?  May naging silbi ba ang buhay natin sa ibabaw ng mundo bago man lang tayo humantong sa sementeryo?

Ito ang halaga ng Nov. 2 – ang araw ng mga kaluluwa, ang araw ng mga patay.  Paano man natin gunitain ang araw na ito, huwag nating kalimutan na bigyang halaga ang aral na iniwan ng mga patay sa ating mga buhay.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply