Ano ang ginagawa ng BIR sa oil companies?

SINASABI ng Senado na dambuhala ang halagang gross income o kabuuang kita ng mga kompanya ng langis sa mahal kong Pinas.

Base na rin umano ito sa mga record ng Bureau of Internal Revenue.

Pahayag ni Senador Ate Vi, este, Ralph Recto, sa taong 2009, kumita ang mga kompanya ng langis ng nasa P453.7 bilyon pero nagbayad lang ang mga ito ng buwis na 3.8 porsiyento o nasa P17.1B. Sa unang walong buwan ngayong taon o mula Enero hanggang Agosto, kumita naman ang mga kompanya ng nasa P388.5B pero nasa 2.54% o nasa halagang P9.7B lang ang binayaran nilang buwis.

Inaasahan ni Recto na mananatiling mababa ang ibabayad na buwis ng mga kompanya sa natitirang apat na buwan ngayong taon.

Batay sa rekord ng 2009 at sa takbo ng pagbabayad ng buwis ng mga kompanya ngayong taon, lumiliit pa nga ang binabayarang buwis ng mga kompanya. Nakapagtataka umano ito dahil habang pataas nang pataas ang halaga ng mga produktong petrolyo na kalakal ng mga kompanyang langis, bumababa naman ang binabayarang buwis ng mga ito.

Nagpupugay tayo sa ginagawang paglalantad ni Recto sa nagaganap sa buwis ng nasabing mga kompanya.

Pero ang higit na nakapagtataka ay ang hindi yata paniningil ng BIR ng karampatang buwis.

Napupuwersa tuloy tayong mag-isip ng hindi maganda ukol sa BIR. May milagro bang nagaganap diyan kaya ganyan kaliit ang binabayarang buwis ng mga kompanya?

Ang isang tanong: nagkaroon na ba ang BIR ng pag-aaral sa kung anong mga kompanya ng langis ang hindi nakapagbabayad ng tamang buwis? Sapagkat tiyak namang meron sa mga ito ang nagbabayad ng tama.

Isa pa, kung may masisingil na malaking buwis sa mga kompanya, sino-sino ang mga nasa BIR ang naging sagabal para rito? Naniniwala kasi tayo na kung gawin lang ng mga taga-BIR ang kanilang tungkulin, walang dahilan para magreklamo ang isang senador at ilantad sa publiko ang kabulukan sa usaping ito.

Sa laki pala ng dapat na masingil ng pamahalaan na buwis sa mga kompanya, wala sanang depisit o kabangkrapan na nararanasan ng pamahalaan at may maganda itong serbisyo publiko.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply