Asar talo

KAMAKAILAN nagpupuyos na naman sa galit ang ilang kabayan dahil nilait umano ng isang artistang Koreana ang mga Pinoy sa isang programa sa telebisyon sa Korea.

Sa TV, ginaya ng Koreanang artista na si Lee Da-hae ang accent ng mga Pinoy sa pagsasalita ng Ingles.

Weno ngayon? Hindi ba’t napakarami nating komedyante na nanggagawa ng accent ng kung anu-anong lahi gaya ng Intsik at Indian? Mas masahol pa nga silang manggaya kung tutuusin. At talagang nakaiinsulto kadalasan. Racist si Lee? Hindi kaya nakalilimutan lang nating tumingin sa salamin?

Sa totoo lang, pwedeng masabing tayong mga Pinoy ang pinaka-racist sa balat ng lupa. Sa mga kwentuhan lang sa inuman at tambayan sa kanto, laging bida ang Pinoy at bobo o mahina ang ibang lahi.

Isa pa, humingi na ng paumanhin ang artista pero patuloy pa rin ang pagbatikos sa Internet. Pinagbigyan natin ang pinakamalaking mandarambong sa kasaysayan ng Pinas na si Aling Gloring nang magdrama siya sa TV at nagsabing “I… am… sorry.” Bakit hindi ang seksi at kagwapang Koreana na ito na ang kasalanan lang e gustong magpatawa kahit korni siya?

Kapansin-pansin ang pagiging balat-sibuyas ng ilang kabayan pagdating sa iniisip na “insulto” sa pagka-Pinoy natin. Siguro e dapat nating suriin ang kaibuturan ng ating pagkatao.

Totoong maipagmamalaki ang pagiging Pinoy – at may karapatan talaga tayong magmalaki – pero ang pumatol sa mga padaplis o kalabit ng ibang lahi e OA na masyado. Tanda ito ng inferiority complex at hindi ng pagiging patas at mapagmalaki.

Napapansin ba natin na hindi pumapatol ang mga Kano kahit sabihing pangit sila o “ugly American”?
Nagrereklamo ba ang mga Ingles kapag sinabihan silang OC at pumipila kapag nakakita ng pila? Hindi. Dedma lang sa kanila iyon dahil kampante sila sa lagay nila sa mundo.

Hindi ganoon ang ilang Pinoy. Kailangan laging “maganda” ang sinasabi sa kanila ng ibang tao. Nasasaktan sila kapag may “nanlalait” sa suot nilang sapatos o sa hugis ng kanilang ilong o sa kulay ng balat nila.

Bakit kailangang laging papuri ang maririnig natin sa iba? Bakit inaaway natin ang mga taong nagsasabi ng kung hindi man totoo e may bahid ng katotohanan gaya ng bansa tayo ng mga domestic helpers?

Wala na tayong dapat patunayan sa mundo dahil meron na tayong Manny Pacquiao, Lea Salonga, Charice at marami pang iba.

Patunayan nating lagpas na tayo sa mga pang-iinsulto dahil alam natin ang tunay nating halaga. Magagaling tayo at magaganda. At alam natin iyon kaya hindi tayo maaapektuhan kung may magsabing mukha tayong katulong o basurero. Alam nating hindi iyon totoo. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply