Bantayan ang pera-pera na paghihigpit sa trapik sa EDSA at Metro Manila

NATATARANTA ang Metro Manila Development Authority sa kinalabasan ng eksperimento nito sa trapik sa Metro Manila, lalo na sa EDSA.

Sa kabila ng katakot-takot na namber koding iskim nito sa mga bus, sobra pa rin ang trapik sa EDSA.

Nagmumukhang pinakamalaking parking lat pa rin sa buong mundo ang 47 kilometrong Epifanio de los Santos Avenue.

Waepek ang pagpapatigil sa mga pampasaherong bus na bumiyahe mula alas 7:00 ng umaga hanggang alas 6:00 ng gabi depende sa kanilang huling numero sa plaka.

Por eksampol, ang may ending na 1 at 2 ay hindi pupuwedeng bumiyahe sa araw ng Lunes.

Hagip ng iskim na ito ang mga bus na promdi.

Hinaharang na nga ang mga ito na pumasok sa Metro Manila para hindi makadagdag sa grabeng trapik.

Pati ang mga garahe ng mga ito ay balak nang ipasara, lalo na ang mga nakaharap sa EDSA.

Pag bumalagbag nga naman ang mga ito sa pagpasok o paglabas sa garahe, nakupo, ang tagal.

oOo

Dahil nga sa problema, kulang na lang na tawagin ng mga onorabol ang lahat ng mga santo para tumulong sa pag-aayos ng trapik.

Kaya naman hindi na lang ang mga trapik enporser ng Metro Manila Development Authority ang magtatrapik kundi mga pulis, taga-Land Transportation Office, Highway Patrol Group at iba pa.

Lalo pa’t pinagbibintangan na rin na dahilan ng trapik ang mga drayber  na abusado. Kahit liliit daw kasi ang bilang ng mga sasakyan, mananatiling masikip ang trapik dahil sa mga abusadong drayber.

Ang katapat ng mga ito ay ang nakalabas na pangil ng mga trapik enporser at pulis mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Kasabay nito ang katakot-takot na pagtitiket sa mga ito sa bawat “violation.”

Derpor, aasahan na ng mga drayber ang pagtadtad ng iba’t ibang violation sa mga tiket na iniisyu ng mga trapik enporser at parak.

oOo

Oki sa atin ang ginagawa ng mga onorabol na pul pors ang puwersa nila laban sa trapik.

Pero meron lang tayong paalaala, Suki.

Huwag na huwag silang magkakamali na gamitin ang mga dispalinghadong  trapik layt  na  basehan ng panghuhuli sa mga krosing ng EDSA at kahit saan sa Metro Manila at para sila magkakomisyon.

Bakit?

Mismong si MMDA Tserman Kiko Tolentino ang umamin na sira na ang trapik layt sistem at nireremedyuhan na lang para gumana.

Dahil sa sira,  sobra ang bilis ng pagpapalit ng mga ilaw na yellow, red at green na dahilan ng pagbuhol-buhol ng trapik sa mga krosing. Kita niyo, Suki?

At kung nagkakabuhol-buhol na ang trapik sa mga krosing ng EDSA, apektado na ring ang lahat ng mga kalsada na kaugnay dito.

Sinasabi natin ito dahil sa lahat ng pagkakataong kinukuwestiyon natin ang mga enporser at pulis sa kanilang panghuhuli sa mga drayber, sinasabi nilang maayos ang mga trapik layt.

Ito’y sa kabila ng pahayag ni Tserman Tolentino na dispalinghado nga ang mga trapik layt.

Naiisip tuloy natin, Suki, na gustong lang kumita ang  MMDA at iba pang ahensiya, ang mga parak at trapik enporser dahil sinasabing bangkrap nga ito.

Kung ganito ang nasa likod ng mga panghuhuli at paniniket, ano pa ang silbi ng matuwid na daan ni PNoy?

Ayaw kong madinig na ang panahon ni PNoy ay puro pera-pera ang usapan at si Juan ang sobrang nahihirapan. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply