Bawas-bawasan ang yabang

NOONG isang araw naghuhumiyaw na headline ng isang sikat na pahayagan ang sinabi ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares na hindi masasawata ang korapsyon sa Pilipinas – “Not in this lifetime” ang sabi pa ng Hepe ng BIR.

Ano ang mali dito?  Mali ba ang tinuran na Henares na naging headline nga? Baka nga marami sa atin ang naniniwala pa sa kanya at magsasabi na – totoo naman, walang na tayong pag-asa laban sa korapsyon!

Pero sino ba si Henares? Tao sya ni PNoy at sya ang iniluklok na pinuno ng BIR, ang pinaniniwalaan ng  marami na ahensyang may seryosong problema sa korapsyon.

Maraming pera ang dumadaan sa kamay ng mga tao sa ahensyang yan kaya mainit ang temptasyon.  Pero ano ba ang isang gimik na nagpanalo kay PNoy? Diba ang linya sa kampanya nya na – kung walang korap, walang mahirap?

Ano ang sinasabi ni Henares ngayon tungkol dito? Kinokontra nya ba ang pangako at plano ni PNoy na matuwid na daan dahil para sa kanya at ang pinaninindigan nya ay hindi nga masasawata ang korapsyon sa administrasyong Aquino – not in this lifetime!

Dalawa lang ang pwedeng pinaniniwalaan ni Henares na lumilitaw sa kanyang pahayag. Una, na walang nangyayari at walang mangyayari sa mga aksyon at hakbang ni PNoy laban sa korapsyon o, pangalawa, may alam si Henares sa maaring malaganap na korapsyon sa administrasyon ni Aquino na hindi natin alam kaya nya nasabi na walang mangyayari sa laban sa korapsyon ng administrasyong Aquino.

Hindi naman natin sinasabi na madali ang laban sa korapsyon lalo sa gobyerno pero bilang Hepe ng BIR sa ilalim ng pamahalaang Aquino medyo may inaasahan naman sana tayo sa pwedeng magawa at maabot ng ahensya ni Henares na pinaniniwalaan nga ng marami na naglipana ang mga korap.

Paano na ang pagyayabang ng Aquino government na kapag walang korap, walang mahirap kung si Henares ang pagpapaliwanagin? Hindi totoo yan, walang patutunguhan ang PR line na yan, ganun ba?

Habangbuhay na tayong mahirap dahil wala silang magagawa sa mga korap, ganun ba?  Sabi nga ni Clint Eastwood – set a goal to aim at.  Hindi yung nilahat mo na at sinabi mo na hindi mo kaya at wala na talagang pag-asa.

Kung ganyan ang attitude ng opisyal ng pamahalaan na may kapangyarihan, ano pa ang maaasahan nating attitude ng mga simpleng mamamayan na umaasa lang sa maaring gawing hakbang ng mga government officials laban sa korapsyon.

Kung may goal lang sana si Henares, kahit maliit lang, na susuporta sa ipinagyayabang ng amo nya na “kung walang korap, walang mahirap sa matuwid na landas.”

Halimbawa, sabihin nya na wala nang mangyayaring korapsyon sa loob ng kanyang maliit na kwarto sa BIR, diba clear goal yun? At pwede nya yun ma-achieve kung tutuusin, so may magagawa sya in this lifetime.

Simple di ba? Walang maraming yabang, mas may katotohanan.  Hindi yung wala pa syang isang taon sa pwesto nya ay binigyan na nya ng sentensya na – corruption cannot be stopped, not in this lifetime.

Subukan sana ng team PNoy na gumawa muna ng paraan, sumubok muna ng hakbang, at bawas-bawasan ang yabang.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. – Ariel Inton

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply