Bea Alonzo, wa keber kahit laging inaagawan ng ka-loveteam

NAPAKATOTOO naman ng sinabi ni John Lloyd Cruz sa set ng pelikulang “My Amnesia Girl” na mayroon talagang ga pagkakataon, na maraming artista ang mayroong mga dahilan kung bakit nangyayari, na napagkakamalan sila na nangdededma ng mga manunulat.  Huwag na rin naman tayong magpaka-plastic sa bagay na ‘yan, dahil sa totoo lang naman, ay ang dami-dami naman talagang mga manunulat sa showbiz para ang pangalan ng bawat isa ay ma-memorya ng mga artista at mabanggit nila iyon nang buo kapag nakakasalamuha natin sila.

May karapatan si John Lloyd na magsalita ng tungkol sa pakikisama sa mga manunulat.  Napakaganda kasi ng kanyang PR.  Kahit pa hindi niya kilala sa pangalan ang isang reporter, ay binabati niya iyon kapag sa isang lugar o sa isang okasyon ay nasulyapan niya na mayroong mga kasamahan natin sa panulat.  Noon ngang uso pa ang pager at bagets pa si Lloydie ay nagagawa niyang magpasalamat sa mga nagsusulat para sa kanya.

Ngayong napakalaki na ng pangalan ni John Lloyd sa showbiz, ay hindi pa rin naman siya nagbabago.  Sa sarili niyang pamamaraan ay naitatawid niyang palagi ang kanyang pagrespeto sa mga manunulat.  Kaya nga, hindi nakapagtataka kung bakit nagpapatuloy ang kanyang tagumpay sa movie industry.  Marami kasi siyempre ang nagdarasal, na ang isang mabuting artista katulad niya ay lalo pang magtagumpay, dahil hindi siya yumayabang.

–oO(O)Oo–

Isang pagpapatunay si Bea Alonzo, na makakaya rin niyang magtagumpay kesehodang lagi siyang naaagawan ng ka-loveteam.  Subok na rin kasi ng publiko ang kakayahan niya sa pag-arte, kaya sino man ang kanyang makapareha ay hindi siya iniiwanan ng kanyang mga tagahanga.  Pero dahil si John Lloyd Cruz ang original niyang kapareha, kaya naman masasabing mas patok pa rin ang kanilang tambalan kapag sila ang magkasamang gumagawa ng pelikula.

Pareho sina Bea at John Lloyd na pinaghiwalay ng kanilang mga kasikatan.  Hindi na nga kasi sila magkatagpo para muling pagsamahin sa project, dahil sa mga nauna nilang natanguang mga trabaho.

Wala nang pahinga si Lloydie sa paggawa niya ng pelikula, habang si Bea naman ay ganu’n din.  Pero hindi naman nawawala ang plano na sa bandang huli ay maharap nilang muli ang paggawa ng pelikula para muling pakiligin ang kanilang mga tagahanga.

Madaming intriga ngayon tungkol kay Bea, lalo na ang tungkol sa pagkakalabuan ng relasyon nila ni Gerald Anderson.  Pero wala siyang panahon sa mga negatibong isyu.  Nakatutok lang si Bea sa kanyang mga trabaho.  Pagkatapos na makasama niya si Gretchen Barretto sa nagtapos na teleseryeng “Magkaribal” ay si Robin Padilla na ang susunod niyang makakasama sa isang teleserye ng Dos.  Excited na raw ang magandang aktres, dahil ‘tulad ni Gretchen ay isa rin si Binoe sa mga nirerespeto niyang mga sikat na artista sa showbiz. Melchor M. Bautista

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply