Best Actress sa 2010 Cinema One Originals Filmfest, inisnab ng mga hurado

INISNAB ng mga hurado ang mga aktres na gumanap sa pitong pelikulang naglaban-laban sa ika-6 na Cinema One Originals Film Festival sa awards night na ginanap noong Linggo sa Dolphy Theater.

Walang nagwaging best actress sa kategoryang ito sa kabila ng ang daming mga babaing bituin na nagpatalbugan sa kanilang mga papel. Si Pen Medina ang tinanghal na Best Actor.

Kahit ang mahusay na beterana na ng apat na pelikulang si Ria Garcia ay ni hindi man lang nominado sa kanyang parang bidang papel sa “Ishmael” na idinirek ng premyadong filmmaker na si Richard V. Somes.

“Hindi naman po ako nagdaramdam na hindi man lang ako nanalo. Ang makasama po sa isang entry sa festival ay tama na sa akin. I will treasure the opportunity forever,” pahayag ni Ria sa isang eksklusibong panayam.

Ang ipinagpapasalamat ni Garcia ay ang pagpuri at pagbanggit sa kanya nang solo ng kanyang kabituin sa pelikula na si Mark Gil.

“Kasi po, Tito Mark presented the movie at binanggit niya ako sa kanyang speech. ‘Yon lang, elated na po ako,” sabi ni Ria.

Ani Gil, mahusay na aktres ang batambatang tuklas ng Star Magic na ngayon ay pinamamahalaan na ni Veronique del Rosario-Corpus.

***

Si Jodi Sta. Maria ang idineklarang Best Supporting Actress para sa kanyang natatanging pagganap sa pelikulang “Third World Happy” na idinirek ni Ej Salcedo.

Natalbugan nga ni Jodi sina Dimples Romana para sa “Tsardyer” at Ria.

Masyadong matindi ang pamantayan ng pagpili ng pinakamahuhusay kaya naman ang pagpapahayag kay Sta. Maria ay kailangang palakpakan.

Nagwagi namang Best Supporting Actor si Marc Abaya para sa pelikulang “Dagim.”

Maluwag naman sa pusong tinanggap nina Sam Milby, Ronnie Lazaro, Aaron Villaflor, Martin de los Santos, Martin del Rosario at marami pang iba ang pananalo ni Pen Medina sa pagka-Best Actor para sa “Layang Bilanggo” na idinirek ni Michael Angelo Dagnalan na siya ring iprinoklamang Best Director.

***

Hindi nakarating si Ronnie sa awards night pero baon niya ang pagmamalaki sa kanyang partisipasyon sa pestibal dahil siya ang nagwaging Best Actor dalawang taon na ang nakakaraan sa kanyang hindi mapapantayang pag-arte sa “Yanggaw” ni Somes.

May ibang trabaho si Lazaro sa panahon ng awards rites kaya hindi man lang siya nakahabol.

Gayunman, kabituin niya sa “Ishmael” ang kanyang kaibigan at kapwa mahusay na bituin na si Medina.

Mukhang magseseryoso na si Dan Alvaro sa kanyang acting career ngayong natalo siya sa pagka-kagawad sa kanilang Barangay San Agustin sa Novaliches sa Quezon City.

“It’s high time na mag-concentrate na ako sa showbiz. Pero tutulong pa rin ako sa aking mga kabarangay,” kuwento ni Dan.

***

Ang kasimplehan naman ni Sam ay makikita sa kanyang pagkilos nang dumalo siya sa pagbubukas ng 2010 Cinema One Originals sa Shangri-La Plaza sa Mandaluyong City.

Alam ba ninyo na nakasalampak lang si Milby sa isang tabi at parang bale-wala na siya ay isang malaking aktor sa lokal na showbiz?

Pati nga si Alvaro ay nahawa na rin sa kanya o si Sam ang nahawa kay Dan sa pag-upo sa gilid ng fountain ng Shang.

Nakipagsosyalan si Cherie Gil kahit na wala siyang lahok sa pestibal na ito ni Ronald Arguelles.

“As usual, in support of Mark (Gil),” sabi ni Cherie na nag-uumapaw sa kasiyahan.

***

Ang iba pang nagwagi sa ika-6 na Cinema One Originals Filmfest ay ang mga sumusunod: “Layang Bilanggo,” Best Picture; “Ang Damgo…,” Jury Prize; “Astro Mayabang,” Special Citation; Michael Angelo Dagnalan, “Layang Bilanggo,” Best Director; Marc Abaya, “Dagim, Best Supporting Actor; Jodi Sta. Maria, “Third World Happy,” Best Supporting Actress; “Layang Bilanggo,” Best Screenplay; “Ishmael,” Best Cinematography; “Ishmael,” Best Editing; “Ishmael,” Best Production Design; “Dagim,” Best Sound; “Ang Damgo…,” Best Musical Score and “Astro Mayabang,” Audience Choice. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply