Biong: Salamat sa Diyos, malaya na ko!

MATAPOS ang halos 15 taong pagkakabilanggo, tuluyan nang pinalaya ng New Bilibid Prison (NBP) si Gerardo Biong na nadawit sa Vizconde massacre noong 1991.

Bago magtanghali ng Martes, maligayang nakalabas si Biong mula sa kulungan. Una niyang pinasalamatan ang Diyos sa pagbibigay nito ng tsansang mabuhay muli siya ng malaya.

“Salamat po sa ating pinakamamahal na Panginoon… Masaya po ako dahil ipinagkaloob ng ating Panginoon ang paglaya natin,” ani Biong, na naging kasapi ng Jesus Miracle Crusade International Ministry simula nang siya ay makulong.

Si Biong, dating pulis, ay kabilang sa 124 bilanggo na dapat nang palayain, batay sa rekomendasyong isinumite ng Department of Justice (DOJ) kay NBP director Ernesto Diokno.

Naging accessory to the crime si Biong dahilan sa paglilinis niya ng mga ebidensya sa Visconde massacre.

Ayon sa DOJ, noon pang nakaraang Nobyembre 24 nagtapos ang sentensiya ng 124 bilanggo at si Biong ay ika-61 sa mga preso na inirekomendang palayain ng departamento.

Samantala, naghain naman ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ng opposing letter kay DOJ Secretary Leila de Lima upang bawiin ng ahensiya ang release order ni Biong.

Ang nasabing sulat na inilagdaan ni VACC President Dante Jimenez ay naggiit na bilang aggrieved party, si Lauro Vizconde ay dapat munang mabigyan ng oportunidad na maglahad ng kanyang panig bago mailabas ang kautusang pumapabor kay Biong. Teresa Tavares

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply