Birthday wish ni Gov. Vilma ang muling magka-pelikula

WALA na nga halos mahihiling pa sa takbo ng kanyang personal na buhay, lalo na sa kanyang movie at political career ang Star for all Seasons na si Governor Vilma Santos-Recto.  Kapag ang mga manunulat ay kaharap si Ate Vi at parang dahil sa sobrang katuwaan sa mga pangyayari sa buhay ng premyadong aktres at itanong sa kanya kung ano pa ba ang mahihiling sa ngayon ng mommy ni Luis Manzano?

Consistent palagi ang Gobernadora ng Batangas sa pagsagot ng: “Darling, parang sa puntong ito ng buhay ko, ay puro na lang ako pagpapasalamat sa Diyos kesa ‘yung humiling pa ako.”

Laging nililingon ni Governor Vi, na minsan isang panahon, habang hayun siya at sikat na sikat na artista sa Pilipinas, ay nakabaon na pala siya sa napakalaking utang.  Malaki na noon ang kanyang pangalan sa showbiz, pero napakabata pa rin niya para harapin ang problema nang habulin siya ng BIR dahil sa malaki niyang pagkakautang sa buwis mula sa kanyang kinikita sa pag-aartista.  Isang malaking pasasalamat na lang niya, dahil nagmagandang-loob ang kanyang producer noon sa Tagalog Ilang-Ilang Productions na si Attorney Esperedion Laxa, at ginabayan siya kung papaano unti-unting makakabayad ng kanyang napakalaking pagkakautang.

Napakabait daw ng kapalaran para kay Ate Vi.  Dahil wala na siyang pera noon, pero nagkasunod-sunod pa rin ang paggawa niya ng mga pelikula, kaya ang talent fee na kanyang tinatanggap, ay hindi na niya halos nahahawakan, kundi diretsong pambayad na niya sa BIR.  Hanggang sa matapos niyang bayaran lahat ang kanyang obligasyon.

Pagkatapos ng bagyong iyon sa kanyang buhay at career, ay sobra na siyang naging maingat sa paglalabas ng pera.  Nagpatuloy pa ring gumanda ang kanyang movie career, kaya dire-diretso lang talaga siyang nakabawi.

Ang karibal niya noon sa kasikatan at tinaguriang nag-iisang superstar na si Nora Aunor ang naging isang napakalaki at mahabang hamon sa pagiging artista ni Ate Vi.  Positibo ang tingin ng Star for all Seasons sa kumpitensiya nila noon ni Ate Guy.

Pagkumparahin man silang dalawa, ay nagkakatulungan sila, dahil sila talaga ang magkatapat.  Iyon ang sekreto kung bakit walang makakapantay sa naging kasikatan nilang dalawa.  Hindi sila magkaaway, pinagkukumpara lang sa kanilang mga trabaho at narating na katanyagan sa showbiz.

Marami pa ring sumunod na hamon sa kanyang buhay si Ate Vi.  Habang nasa kainitan ang kanyang popularity noon, ay nagdesisyon siyang magpakasal kay Edu Manzano, at ang naging anak nga nila ay si Luis.  Hindi nga lahat ng suwerte ay nasa kanya, dahil nagkahiwalay sila ni Doods.  Isang malaking pasasalamat din sa kanya, na kahit nag-asawa siya, nagkaanak at nakipaghiwalay, ay tanggap pa rin siya ng kanyang mga tagahanga.  Marami pa rin siyang ginawang mga pelikula na kumikita sa takilya at humahakot ng mga parangal.

Kung naunsiyami man ang unang pagpapakasal ni Ate Vi, ay hindi naman nanatiling bigo ang kanyang pag-asa. Dumating sa kanyang buhay ang isang tisoy na lalaking galing sa angkan ng mga pulitiko, ang ngayon ay tanyag na si Senator Ralph Recto.  Nagkaroon sila ng isang anak, ang nagbibinata na ngayong si Ryan Christian Recto.  Masuwerte si Governor Vi sa mga anak, dahil masunurin sa magulang ang mga naging supling niyang sina Luis at Ryan.

Nang pasukin ni Ate Vi ang larangan ng pulitika ay hindi rin siya hiniwalayan ng suwerte.  Naging matagumpay siyang Mayor ng Lipa City, at minahal siya bilang dating ina ng Lipa.  Pangalawang beses na rin niyang napagtagumpayan na magwaging Governor ng Lalawigan ng Batangas.  Ito ang nagpapaligaya sa kanya ngayon, ang patuloy niyang mapaglingkuran ang mga mamayan ng nasabing probinsiya, na hindi lang umiidolo sa kanya bilang aktres, kundi nagmamahal sa kanya bilang isang lingkod ng bayan.

Dahil sa kaabalahan, atas ng kanyang tungkulin bilang Gobernador ng Batangas, ang Star for all Seasons ngayon ay sobrang nananabik na muling maging bahagi ulit ng showbiz.  Pero iyon ay naghihintay ng tamang panahon at pagkakataon.  Hindi muna sa ngayon, dahil kulang ang kanyang oras.  Nasasabik na rin ang showbiz na muling kupkupin ang premyadong aktres.  Pero nariyan pa rin ang nag-iisang Vilma Santos, at hindi mawawala.  Magugulat na lang ulit tayo, dahil kapag nariyan na ang tamang panahon ay muli na naman siyang aarte para sa telebisyon at pelikula.  Hintayin na lang natin.

Happy birthday, Ate Vi! Melchor M. Bautista

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply