Bulkang Bulusan pumutok sa gitna ng mga lindol

PUMUTOK ang bulkang Bulusan sa Sorsogon kamakalawa.

Sa pagputok nito, lumitaw na ang isa sa mga ikinakakaba natin ukol sa mga sunod-sunod na lindol na nagaganap sa repablik ni Juan.

Pumutok nang halos hindi namalayan maging ng mga tagabantay ng mga bulkan at lindol ang pagputok ng bulkang Bulusan.

Ano kaya ang susunod na lilitaw kaugnay ng mga lindol na madalas ngayong nagaganap, huh?

oOo

Kamakalawa, kasabay ng pagputok ng Mt. Bulusan, nilindol ang Mindanao, ang Kabikulan malapit sa Burias Island at ang Batanes.

Op kors, para sa ordinaryong si Juan, maaaring may kaugnayan ang lindol sa Bikol sa Mt. Bulusan.

Kahit sinasabing malayo ang bulkan sa pinagmulan ng lindol sa Kabikulan.

Matanong na rin natin: may kaugnayan din ba ang malaking bulkan na nasa gitna ng dagat sa Batanes ang lindol doon?

Nakikita ang bulkan mula sa mga bayang nasa tabing dagat gaya ng Aparri at kung hindi tag-ulan at hindi maulap. Natatanaw itong nakaupo ito sa gitna ng karagatan o Babuyan Channel.

At yung lindol sa Mindanao, aling bulkan doon ang kaugnay nito? Alalahaning maraming bulkan ang matatagpuan sa Mindanao.

oOo

Ang gusto nating iparating, Suki, sa mga kinauukulan ay huwag magkurap ng mga mata sa pagbabantay sa mga lindol.

Dapat ikalat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang mga tauhan nito sa lahat ng sulok ng repablik ni Juan.

Kasama na rin dapat na gawin ng mga ito ang magdala ng mga gamit sa pagbabantay.

Kaugnay nito, totoo ba na labis na kinukulang ang mga tauhan ng Phivolcs?

At kulang na nga ang mga ito, may problema pa sila sa pagkakaroon ng mga matitinik o eksperto sa pag-aaral ng mga lindol at iba pang galaw ng kalikasan na sakop ng kanilang trabaho.

Siguro kung totoo na kulang ang tauhan ng Phivolcs at gamit ng mga ito, dapat pagtuunan ito ng pansin ng mga kinauukulan.

Ang Palasyo at Kongreso, dapat nang kumilos dito.

oOo

Sa bansang Indonesia, pumuputok ang bulkang Merapi. Umaabot na, Suki, ang namatay roon sa 100 katao.

Hindi na rin basta makalipad ang mga eroplano sa kalawakan ng Indonesia at isa ito sa mga pumaparalisa sa kanilang pambansang ekonomiya.

Tiyak namang matagal bago maging normal ang buhay ng mga taong inilikas mula sa bulkan.

Gaya ng nagaganap tuwing sumasabog ang bulkang Mayon sa atin, naiwanan nila ang lahat ng kanilang mga tahanan at kabuhayan.

Bukod sa kamatayan, masakit din talaga ang manatili na lamang sa mga ebakwesyon senter at umasa ng limos mula sa mga mapagkawanggawa.

Pagkatapos ay wala pang katiyakan sa pagkakaroon ng normal na buhay makaraan.

Ang Mt. Pinatubo nang pumutok ay kung ilang taong  naging mapaminsala dahil sa mga umaagos na lahar na lumunod sa napakaraming bayan lalo na sa Pampanga.

Muli, Suki, dapat pakinggan ng mga onorabol ang panawagan para asikasuhin ang mga lindol na nagaganap. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply