Bus operators sa tigil-pasada, kasuhan; bookies ng karera sa Pasay may prangkisa?

MALAKI ang dulot na pahirap na ginawa ng mga bus operators nitong nakaraang Lunes nang karamihan sa kanila ay magsagawa ng tigil-pasada o boykot bilang pagpapakita ng kanilang pagtutol sa number-coding scheme na ipinatupad ni Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino.

Sa talaan ng Land Transportation Office, may 100 sa 140 bus operators ang hindi nagpalabas ng kanilang mga bus at sumama sa sinasabing tigil-pasada.

Kaya ang resulta, nagkagulo ang taumbayan. Libo-libo ang na-stranded at na-late sa kani-kanilang mga trabaho habang marami rin ang bilang ng di na nagsipasok sa kanilang mga trabaho.

Sa madaling salita, lubos na naapektuhan ang ekonomiya ng ating bansa dahil sa kagagawan ng mga bus operator noong Lunes.

Marami ang puwedeng ikaso laban sa mga bus operator na nagpakita ng pang-aabuso sa publiko noong Lunes.

Isa na dito ang pagsasabotahe sa ating ekonomiya.

Hindi dapat palampasin ito ni Chairman Tolentino. Ituloy ang pagsampa ng kaso laban sa mga operator ng bus – lalo na sa mga pasimuno ng tigil-pasada noong Lunes.

Linisin ang hanay ng mga bus na bumibiyahe sa buong Metro Manila. Sa totoo lang, marami sa kanila ay pawang mga kolorum o peke ang mga prangkisa.

Dito natin malalaman kung gaano ka-epektibo ang LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board).

May ilan kasi sa mga opisyal ng ahensiyang ito ang itinuturong protektor ng mga operator na may mga kolorum na bus.

Sang-ayon rin ako sa mungkahi ni Chairman Tolentino na kanselahin muna ang prangkisa ng lahat ng mga operator ng bus upang matumbok kung sino ang ligal at iligal!

oOo

Napag-usapan na rin lang ang tungkol sa prangkisa, gaano katotoo ang balitang may ibinentang prangkisa para makuha ang karapatan sa paglalatag ng illegal gambling sa Pasay City?

‘Yan ang nakarating sa akin matapos kong isiwalat ang paglalatag ng mga puwesto ng bookies ng karera sa iba’t ibang lugar sa lungsod nitong nakaraang Martes lang.

Si Frankie Jo na ngayon ang bangka ng bookies ng karera sa Pasay City na dati nang pinagsaluhan ng mahabang panahon nina Len Aguado at Toto Lacson.

Isang kaibigan kong pulis-Pasay ang nakapagsabi sa akin na ka-sosyo raw ni Frankie Jo sa illegal gambling business itong si Eddie Boy Villanueva.

Si Frankie Jo at Eddie Boy Villanueva daw ang may hawak ng prangkisa sa operasyon ng illegal gambling sa Pasay City.

‘Yan ay matapos daw nilang mabili ang prangkisa sa pamamagitan nitong si Charlie “Atong” Ang.

Sina Frankie at Eddie Boy ay kilalang mga “bata” ni Atong Ang. Si “Double A,” kilalang bangka ngayon ng jai-alai at “Virtual 2,” ay nasangkot na rin sa isyu ng jueteng lalo na sa Kabikulan.

Itong sina Frankie at Eddie Boy ang sinasabing “utak” sa pagpapalaganap ng sugal na “Virtual 2” ni
“Double A” sa buong southern area ng Metro Manila.

Sinasabing ligal ang Virtual 2 dahil may prangkisa mula sa gobyerno pero ang estilo ng pagpapataya ay walang pinag-iba din sa estilo ng jueteng. May mga kubrador din na gumagala kada lansangan at bumabaybay sa mga kabahayan upang mangalap ng taya.

Iligal ito!

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply