Car wash boy tinubo ng kasama

Basag ang bungo ng isang car wash boy makaraang pagpapaluin ng tubo sa ulo ng kainumang vulcanizer matapos paghinalaan ang biktima na nagnakaw ng kanyang cell phone.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Pablito Lumanog, 42, stay-in carwash boy ng RNR vulcanizing shop na matatagpuan sa Marton Road, Canumay East, Valenzuela City.

Kaagad na nadakip at nahaharap sa kasong homicide ang suspek na si Magno Bernaldez, 35, residente ng 46 San Francisco, Tugatog, Malabon City.

Base sa ulat ni SPOI Richard Bautista, pasado alas-diyes ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa naturang vulcanizing shop.

Habang nag-iinuman ang dalawa ay naungkat sa kanilang usapan ang nawawalang cell phone ni Bernaldez na umano’y si  Lumanog ang kumuha.

Dahil dito, nagtaas ng boses ang biktima at sinabi sa suspek na hindi siya ang nagnakaw ng kanyang cell phone.

Nagalit si Bernaldez at kumuha ng tubo na gamit sa pagtanggal ng flat na gulong, saka pinaghahataw si Lumanog.

Nasa Candido Funeral Homes sa Maysan Road ang labi ng biktima at wala pang kumukuhang  kamag-anak sa bangkay. (Jun Samson)

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply