Credit card companies na naniningil ng sobra parurusahan

ISINUSULONG sa Kamara na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga kumpanya ng credit cards na naniningil ng sobrang taas ng interes bunsod na rin sa marami na ang nagrereklamong kliyente ng mga ito.

Nais ni Bohol Rep. Arthur Yap na gawing krimen at patawan ng mataas na multa ang mga kumpanya ng credit card dahil sa sobrang taas ng paniningil ng mga ito.

Inihain ng mambabatas ang House Bill 1235 o “Credit Card Users Protection Act of 2010”, na naglalayong limitahan ang interes na 1% kada buwan o 12% bawat taon, gayun din ang multa ng mga hindi nakakabayad sa takdang oras, sa 1% kada buwan o 12% bawa’t taon.

Ang mga kumpanyang mapatutunayang lalabag sa patakarang ito ay sasampahan ng kaso at pagmumultahin ng P500,000, bukod pa sa pagkabilanggo ng anim na taon at suspensyon o pagsasawalang bisa ng kanilang lisensya para makapagnegosyo.

Nababahala si Yap sa ulat na aabot sa apat na milyong Pilipino ang nagtatangan ng anim at kalahating milyong credit cards, katumbas ng limang porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa.

Ayon sa mambabatas, karamihan sa mga ito ay suwelduhan lamang at walang ibang karagdagang kitang pinagkukunan.

“Dahil sa mga agresibong patalastas at panghihimok ng mga kumpanya ng credit cards tulad ng mga promo at kung anu-anong gimik ay lalo pang tataas ang bilang ng mga nababaon sa utang dahil sa paggamit ng credit cards. Ang hindi nila alam ay napakataas ng interes na ipinapataw ng mga kumpanya sa paggamit nila ng credit card, bukod pa sa penalty, finance charges, at iba pa”, dagdag pa ng mambabatas.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply